HINIKAYAT ng dating opisyal ng Sangguniang Panlalawigan (Provincial Board) ng Palawan ang mga lokal na pamahalaan sa lugar na himukin ang mga kabataan na kumuha ng kursong may kinalaman sa agrikultura at pangingisda at pumalit sa pamamahala ng sakahan ng pamilya at supply ng pagkain.
Ayon kay Board Member Clarito Prince Demaala IV, karamihan ng mga kabataan sa kasalukuyan ay mas gustong tunguhin ang karerang may kinalaman sa modernong teknolohiya, kaya napag-iiwanan ang pagsasaka at ang pangamba sa seguridad ng pagkain.
“Karamihan sa mga millennials ngayon ay ayaw ng mag-stay sa mga bayan nila at gusto na lang sa city. We all know na Palawan is blessed in the sea and farmlands, so dapat ma-encourage sila na kahit papaano, kahit iba ang gusto nila sa buhay, sana kung ang parents nila ay farmer dapat i-practice din nila,” paliwanag ni Demaala.
Aniya, ang paghikayat sa mga kabataan na ipagpatuloy ang karera sa agrikultura at pangingisda ay hindi nangangahulugang hindi niya kinikilala ang kahalagahan ng akademya ngunit nais niyang isulong ang pagsasaka at pangingisda bilang kabuhayan.
Ayon kay Demaala, sa resulta ng survey kamakailan ay lumalabas na nasa 50-52 ang kalimitang edad ng mga Pilipinong magsasaka. Nangangahulugan itong patuloy na bumababa ang bilang ng mga Pilipinong kabataan na interesado sa agrikultura at pangingisda.
“Nagkakaroon ng pangamba na someday ‘yong ating mga farmers at fisherfolks ay mawawalan na ng magmamana sa sakahan at pangisdaan. Kaya sana ang mga parents na farmers ay maituro at maipraktis ng kanilang anak ang kanilang kinagisnan na hanap-buhay,” giit ni Demaala.
Dagdag pa ng provincial board member, kung ang inaalala ay ang maliit na kita, marami na umano ngayong oportunidad sa agrikultura at pagsasaka at may iniaalok na ring kurso upang masiguro ang pagkakaroon ng mas malaking kita.
Hindi rin umano tumitigil ang lokal at pambansang pamahalaan upang masigurado na maibigay ang mga bagong teknolohiya at ang mga programa at proyektong may kinalaman sa agrikultura at pangingisda.
PNA