DALAWA pang alkalde ang napatay ngayong linggo— sina Mayor Antonio Halili ng Tanauan, Batangas at Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija. Sila ang ikaapat at ikalimang alkalde na napatay simula noong Oktubre ng nakaraang taon, nang mapatay si Mayor Samsudin Dimaukom ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao sa pamamaril sa police checkpoint. Pagsapit ng Nobyembre, pinatay naman si Mayor Rolando Espinosa, Sr. ng Abuera, Leyte sa loob ng selda sa Baybay City Subprovincial Jail sa Leyte. Nitong Hulyo, si Mayor Reynaldo Parojinog ng Ozamiz City sa Misamis Occidental ay napatay kasabay ng 11 iba pa sa pagsalakay ng awtoridad, na armado ng search warrant, sa kanyang bahay.
Ang pagkamatay ni Halili ay ‘di pangkaraniwan— Siya ay pinatay ng sniper sa layong 200 metro. Naging laman siya ng balita sa pagpaparada niya sa mga inarestong hinihinalang drug dealers at adik sa “walk of shame” sa kahabaan ng kalsada. Gayunman, kabilang si Halili sa narco list ni Pangulong Duterte.
Pinatay ang alkalde sa flag-raising ceremony sa city hall nitong Lunes, sa gitna ng pag-awit ng 400 municipal officials sa Pambansang Awit. Tinamaan ng bala ng sniper ang dibdib ng alkalde habang siya ay nakatayo sa isang hilera ng mga opisyal. Walang suspek na naaresto. Lumalabas na pinaghandaan ng suspek ang pamamaril. Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad sa insidente.
Maraming naganap na pagpatay na kagagawan ng riding-in-tandem. Ito ang naging kaso ni Mayor Bote na pinatay ng dalawang armadong lulan sa motorsiklo habang siya ay sakay sa kanyang kotse sa Cabanatuan City.
Ito man ay may kinalaman sa droga o wala, ang mga kasong ito ay karagdagan sa malungkot na bilang ng pangyayari sa bansa. Dagdag ito sa 22,983 pamamaslang na inihain ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng “Death Under Inquiry” sa loob ng dalawang taon.
Kinakailangan ng espesyal na paraan upang maresolba ang napakaraming kaso ng pagpatay, partikular na sa mga kilalang tao gaya nina Mayor Halili at Mayor Bote. Maaaring umuunlad ang ating ekonomiya, bilang isa sa pinakamataas na Gross National Products (GNP) sa mundo, ngunit sa kawalan kapayapaan at kaayusan, sa kaliwa’t kanang patayan, mababalewala ng mga tao ang dinaranas nating kaunlaran