NANAWAGAN si Health Secretary Francisco Duque III sa mga kapitan ng barangay na pangunahan ang pagsasagawa ng cardio pulmonary resuscitation (CPR) training sa mga komunidad para maitaas ang survival rate ng mga taong nakararanas ng heart attack o cardiac arrest.
“Ang panawagan ko sa barangay chief executives ay magsagawa po tayo ng ganitong ehersisyo para bawat pamilya ay maalam kung paano gawin ang CPR,” sinabi ni Duque sa press briefing sa Manila nitong Lunes.
Ang panawagan ni Duque ay kaugnay sa pagdiriwang ng National Disaster Resilience ngayong buwan.
Sinabi ni Duque na kung mayroong isa sa mga miyembro ng pamilya sa barangay ang marunong magsagawa ng CPR, makatutulong sila sa tsansang masagip ang isang tao na maaaring dumaranas ng cardiac arrest.
“This will improve survival rate by 50 percent,” ani Duque.
Sinabi niya na mahalaga ang kaalaman sa CPR para makasagip ng buhay habang hinihintay ang pagdating ng mas specialized medical assistance.
Aniya pa, makatutulong ang kaalamang ito para maiwasan ang brain impairment at makatutulong na muling makahinga ang taong inaatake sa puso.
Sinabi ni Duque na kailangan lamang ng isang tao na magsanay sa paglagay ng right dominant hand sa ibabaw ng kaliwang kamay, “inter-twine the digits of the fingers with straighten arms, press in the mid part of the body or chest, and then pump.”
“So 100 to 120 cycle is to be effective by and in itself to revive a person that has undergone or is undergoing heart attack,” aniya.
-PNA