NAPATAY noong Lunes nang umaga si Tanauan City Mayor Antonio Halili, kilala bilang “Walk of Shame Mayor”, habang dumadalo sa lingguhang flag-raising ceremony sa munisipyo. Isang bala ng sniper o sharpshooter na nagkanlong sa damuhan ang kumitil sa buhay ng alkalde. Nakilala siya sa pagpaparada sa pinaghihinalaang drug dealers, pushers at users sa lansangan upang hindi raw pamarisan ng iba pa.
Para kay President Rodrigo Roa Duterte, si Halili umano ay sangkot sa illegal drugs at ginawang “isang maskara” lang ang panghihiya sa drug dealers at pushers upang maitago ang kanyang pagkakasangkot. Si Halili ay nasa listahan ng narco-list ng Pangulo. Paano ang imbestigasyon?
May nagtatanong kung sinu-sino ba ang magagaling na snipers o sharpshooter. May nagsabing marami nito sa Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) at mayroon din sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Di ba ang nakapatay kina Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon at Omar Maute ay mga sniper ng SAF na nakatalaga sa Marawi City?
Sa pagsasasalita sa Maasin, Southern Leyte, ikinumpara ni PRRD si Halili sa napatay na mga alkalde ng Ozamiz City (Misamis Occidental) na si Reynaldo Parojinog at Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte. Si Parojinog ay napatay kasama ang asawa at maraming iba pa sa pagsalakay ng mga pulis. Si Espinosa ay napatay naman sa loob mismo ng kanyang kulungan.
Sa ngayon, hindi lang mga pulitiko ang napapatay kundi mga piskal o prosecutor, pari, at journalist. May nagsasabing ang pagpatay ay hindi kailanman magiging ganap na solusyon upang matamo ang layunin ng isang hari, emperador, diktador, o lider.
Pinapatay ng mga Hudyo si Kristo, pero hindi nila nasugpo at napatay ang pananampalataya ng mga Kristiyano. Pinapatay ni Hitler ang maraming Hudyo, pero parang “Phoenix bird”, sila ay muling nabuhay, lumago at ngayon ay malakas na puwersa sa Gitnang Silangan na hindi magapi ng pinagsama-samang puwersa ng mga bansang Arabo.
Inako ni Mano Digong ang naganap na sagupaan ng mga pulis at sundalo sa Samar kamakailan. Anim na pulis ang namatay at siyam na iba pa ang sugatan. Ayon sa Pangulo, walang dapat sisihin sa naganap na “misencounter”. Siya raw ang dapat sisihin at papanagutin bilang Commander-in-Chief. Kung gayon po, ano ang dapat igawad na parusa sa inyo Mr. President?
Hoy, Joma (Jose Ma. Sison), gumising ka na! Pahayag ito ng Malacañang sa pamamagitan ni presidential spokesman Harry Roque kaugnay ng pahayag ni CPP founding chairman Sison na pababagsakin nila ang gobyerno ni Duterte.
Tinawag ni Roque si Sison na isang arogante. “Mayabang pong talaga si Joma Sison. Akala niya siya ang savior ng bansa, Eh mantakin ninyo, eh patatalsikin daw nila si Presidente, hindi raw matatapos ang termino.”
Bulong sa akin ni Tata Berto: “Hayaan na lang nilang managinip si Joma. Matanda na siya. Unang-una, hindi papayag ang mga Pilipino na maging komunista ang Pilipinas. Naniniwala sa Diyos ang mga Pinoy samantalang ang komunismo (CPP-NPA-NDF) ay hindi naniniwala sa Diyos, isa itong godless idiology.” Tama ka Tata Berto. Hayaan nating managinip si Joma at hayaan nating matapos ang termino ni PRRD para sa bayan!
-Bert de Guzman