Ilang oras makaraang madakip ang isang babae na umano’y big-time illegal recruiter, inaresto ng pulisya ang itinuro niyang kasabwat makaraang inguso ang pinagtataguan nito sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.
Dakong 10:00 ng gabi nang madakma ng mga tauhan ni Chief Insp. Rhoderick Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), si Jocelyn Madera, 56, sa bahay nito sa Capitol Hills, Quezon City.
Sinasabing si Madera ay kasabwat ni Elizabeth Mendoza, 54, na unang inaresto sa bahay nito sa Barangay Balangkas, Valenzuela City, dakong 6:59 ng gabi, sa bisa ng warrant of arrest para sa illegal recruitment by a syndicate.
“Sabi ko sa kanya (Mendoza) ituro na niya ang kanyang mga kasamahan kasi siya lang ang magdurusa, tapos ‘yung mga kasamahan niya, nakalalaya,” ani Major Juan.
Nang mahuli si Madera, sinabi niyang ang mga kasabwat niyang sina Gemma Garcia at Nick Avila ay nakalabas na ng bansa. Gayunpaman, tiniyak ni Major Juan na sasampahan nila ng kaso ang mga nakatakas na suspek at tutugisin.
Napag-alaman na ilang katao na mula sa Baguio City ang nagsampa ng kaso laban sa suspek, dahil sa panggagantso at panloloko sa kanila makaraang maglahong parang bula nang magbigay ng pera ang mga biktima, para makaalis at makapagtrabaho sa ibang bansa. Ilan lang sa mga lumutang na complainant sina Jimmy Arenas, Alvin Torres, at Romeo Marcos, pawang ng Gen. T. De Leon, Valenzuela City, na nagbigay ng tig-P45,000 noong Oktubre 2016 para makapuntang Japan.
Umabot na 30 katao ang dumagsa sa Valenzuela Police station para magsampa ng parehong reklamo.
Kahapon ay lumantad din sa pulisya ang isang matandang babae na taga-Laguna, at nais nitong mabawi ang passport na kinuha umano ng mga suspek. Bukod sa Baguio City, kumikilos din ang grupo sa Pangasinan, Tarlac, Pampanga, Valenzuela at Laguna.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong Illegal Recruitment batay sa Republic Act 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act.
-Orly L. Barcala