SA paghikayat ng isang mambabatas na ang Duterte administration ay marapat na maglunsad ng agricultural revolution, lumilitaw na hindi pa sapat ang pagsisikap ng gobyerno upang ganap na paunlarin ang sektor ng pagsasaka. Ang tinutukoy na rebolusyon ay hindi isang labanan na ginagamitan ng mga punglo at armas, ito ay pakikilusin ng mga programa at patakaran na makatutulong sa mga magsasaka at mangingisda upang pasiglahin ang sinasabing naghihingalong sektor ng agrikultura.

Gusto kong maniwala na ang naturang rebolusyon -- na nagkataong ipinahiwatig ni Senador Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara -- ay isang pagmaliit sa mga programa sa pagsasaka at pangingisda na isinusulong ng gobyerno. Sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), katakut-takot ang mga proyekto at patakaran na ipinatupad ng naturang ahensiya upang lalong paangatin ang agrikutura.

Palibhasa’y nagmula sa pamilya ng magbubukid, natitiyak ko na mistulang hulog ng langit, wika nga, ang libreng patubig o free irrigation na ipinatupad ng pamahalaan. Malaking kaluwagan sa mga magsasaka ang gayong biyaya, kaakibat ng pagkakaloob ng iba pang kagamitan sa pagsasaka na tulad ng makinarya, abono at iba’t ibang uri ng binhi ng palay.

Maging ang mga mangingisda ay napag-alaman kong sinasaklolohan din ng DA. Daan-daan ding bangka ang ipinamahagi sa naturang sektor ng magsasaka, kasabay ng pagtuturo sa kanila ng mga pamamaraan ng lehitimong pangingisda. Hindi pangingisda na ginagamitan ng dinamita at iba pang sistema na nakapipinsala sa tinatawag na marine life.

Puspusan din ang pagsisikap ng DA sa pagpapalago ng produksyon -- hindi lamang ng palay at mais -- kundi maging ang ibang produkto ng agrikultura na tulad ng bawang, sibuyas at iba pa. Mga programa ito na lubhang kailangan upang maiwasan ang maanomalyang pag-aangkat ng naturang mga pananim.

Sa kabila nito, naniniwala ako na may lohika ang hangarin ni Angara na buhusan, wika nga, ng pondo ang agrikiltura upang umangat ang pamumuhay ng mga magsasaka at mangingisda. Halos 60 porsyento ng mahihirap nating mga kababayan ang nagpapahirap sa kabukiran. Sila ang nagsisikap upang tayo ay magkaroon ng sapat na pagkain ngunit sila pa ang malimit na magutom.

Dahil dito, marami sa kanila ang nagkakasakit; walang magastos sa pagpapaaral ng kanilang mga anak at dumadanas ng iba’t ibang anyo ng pagdaralita.

Ang ganitong kalunus-lunos na sitwasyon ay marapat lamang pagtulung-tulungang aksiyunan ng mapagmalasakit na sektor ng sambayanan -- ng gobyerno, mambabatas at iba pa.

-Celo Lagmay