NALALAPIT na ang pagsisimula ng programang “Build, Build, Build” ng pamahalaan, kasabay ng 76 na pangunahing proyekto na aprubado na ng administrasyong Duterte. Ang bagong Mactan International Airport, na bagamat sinimulan ng dating administrasyon, ay binuksan kamaikalan sa pangunguna ni Pangulong Duterte nitong Hunyo 7, na hudyat na sa darating na mga buwan at taon masisimulan na ang 76 na naglalakihang proyekto sa buong bansa.
Kabilang sa mga naaprubahang proyekto ang 32 kalsada at tulay, 10 pagkukunan ng tubig at proyektong irigasyon, siyam na daang-bakal, anim na paliparan, limang flood control project, apat na pantalan, apat na power plant, tatlong rapid bus transit at tatlong urban development program.
Magsisimula ang konstruksiyon ng siyam na proyekto sa kalagitnaan ng taon, na nagsimula kahapon, Hulyo 1. Ito ang P4.61 bilyong proyekto ng Binondo-Intramuros Bridge, ang P1.37 bilyong Estrella-Pantaleon Bridge, kapwa sa Metro Manila at pinondohan ng China; ang P4.37 bilyong Chico River Irrigation Project; ang P35.26 bilyong Tagum-Davao-Digos project na bahagi ng Mindanao Railway; ang P4.86 bilyong Panguil Bay Bridge, na mula sa pondo ng Korea Official Development Assistance (ODA); at ang P1 bilyon para sa pagsasaayos ng pader at kanal sa ilog Pasig mula Delpan hanggang Napindan Channel. Nariyan din ang tatlong public-private partnership project- ang P1.78 bilyong government center, ang P850 milyong commercial center at ang P3.33-bilyong housing center sa Clark City.
Habang ang ilan sa mga proyektong ito ay pinondohan mula sa tulong at pautang ng China at Korea kasama ang iba pang pribadong pamumuhunan, ang mga pondo sa susunod na limang taon na nagkakahalaga ng P786 bilyon ay manggagaling sa pondo ng pamahalaan, sa ilalim ng Department of Public Works and Highways at ang Department of Transportation, kasama ang pondong mula sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN) na inaprubahan kamakailan.
Sa kabila ng paglulunsad ng malawakang programang pang-imprastruktura na maaaring maging pangunahing pamana ng administrasyong Duterte, umaasa tayo na hindi mapapabayaan ng pamahalaan ang isang sektor para sa pambansang pag-unlad, ang sektor ng agrikultura. Nitong Miyerkules, hinikayat ni Sen. Juan Edgardo Angara ang administrasyong Duterte na bumuo ng plano para sa pagbuhay ng humihinang agrikultura ng bansa.
“We may be exhibiting among the fastest growth rates in the world today, but such growth would be fo nothing if it doesn’t reach our farmers and fisherfolk,” aniya. Ipinunto ni Angara na 60 porsiyento ng mahihirap na Pilipino ngayon ay mula sa sektor ng agrikultura.
Nasa proseso na ang programang “Build, Build, Build” ni Pangulong Duterte. Magiging mahalaga ito hindi lamang para sa bansa , kundi gayundin sa mga mamamayan, lalo na sa mga nasa sektor ng agrikultura, kung magkakaroon ng “Grow, Grow, Grow” kasabay ng programa, mula na rin sa hikayat ni Senador Angara at iba pang opisyal.