NAGHALAL ang Senado ng bagong pangulo nitong Lunes, sa katauhan ni Sen. Vicente Sotto III ng Nationalist People’s Coalition (NPC). Pinalitan niya si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, na pangulo ng PDP-Laban.
Naluklok bilang pangulo ng Senado si Senator Pimentel sa pag-uumpisa ng administrasyong Duterte noong 2016, hindi dahil sa mayorya ng nakapuwesto ay mula sa kanyang partido; ito ay dahil napagkasunduan ito ng 23 miyembro, na bagamat nahahati sa siyam na grupo ay nais na makatrabaho ang bagong administrasyon.
Ngunit dahil sa nakalipas na mga pangyayari, tila napagtanto ng mga senador na kailangan nila ng isang pinuno na mas may kumpinyansa sa paglalatag ng kanilang sariling opinyon o pagtingin. Dahil sa pagiging pangulo ng PDP-Laban ni Senador Pimentel, kalimitan itong nauuwi sa pagbabahagi ng opinyon ng ibang pinuno ng partido, pinaka kapuna-puna nga rito si Speaker Pantaleon Alvarez, ang secretary-general ng partido.
Ang Senado ng Pilipinas ngayon ay tila isang mahirap na timpla ng partido—anim mula sa Liberal Party (LP), apat na independiyente, tatlo mula PDP-Laban, tatlo mula Nacionalist People’s Coalition (NPC), dalawa mula Nacionalista Party (NP), dalawa mula United Nationalist Alliance (UNA), isa mula Liberal Democratic Party (LDP), isa mula sa Puwersa ng Masang Pilipino (PMP), at isa mula Akbayan.
Tatlo lamang ang miyembro na mula sa partido ng administrasyon na PDP-Laban ngunit pinili ng mga senador si Pimentel sa pagsisimula ng bagong Kongreso bilang pinuno ng maka-administrasyong koalisyon. Ang NPC na kinabibilangan ni Sotto ay may tatlo ring miyembro sa kamara, kaya hindi salik ang partido sa kanyang pagkakahalal nitong Lunes bilang bagong pangulo ng Senado. Sa halip, naniniwala ang mga senador na kaya ni Sotto na mas maging kumpiyansa at may paninindigan sa mga karapatan ng Senado bilang isang nagsasariling kapulungan ng Kongreso at sa interes ng mga senador anuman ang kinabibilangan nitong partido.
Malubak ang kinakaharap na daan ng Senado. Matagal nang iginigiit ni Speaker Alvarez na sa nakatakdang Constitutional Convention ay kailangan nang makabuo ng isang bagong Konstitusyon na umaayon sa federal na sistema ng gobyerno, kailangan nang maupo at bumoto ng kongresista at senador bilang isang kapulungan. Magtutulak sa Senado ng kawalan ng kapangyarihan, lalamunin ng 297 miyembro ng Kongreso ang 23 lamang na miyembro ng Senado.
Sa nakatakdang halalan ng senador, iminungkahi ni Speaker Alvarez ang isang listahan na hindi kumikilala sa mga hindi miyembro ng PDP-Laban na muling tatakbo bilang senador , ito ay sa kabila ng pagiging maka-Duterte ng mayorya ng koalisyon sa Senado. Ito ang isa sa mga isyu na inaasahang tatalakayin ni bagong Senate President Sotto.
Nararamdaman din ng maraming senador na tila nawalan ng paninindigan ang Senado, na dapat sana bilang isang institusyon na nagpapatibay ng batas ng pamahalaan, sa maraming bilang ng isyu tungkol sa patakarang panlabas, tulad ng karapatan ng Pilipinas sa South China Sea at ang ugnayan nito sa Estados Unidos, China, Russia at iba pang mga bansa.
Sa pamamagitan ni Senador Sotto bilang bagong pangulo ng Senado, umaasa silang magiging mas aktibo, mas kumpiyansa, mas malakas, mas independiyenteng institusyon ang Senado sa ngalan ng dakilang tradisyon nito sa nakalipas. At kasama tayong umaasa rito.