HINAMON ni ousted Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na panahon na upang magbitiw ang Pangulo, gaya ng pangako nito na siya’y bababa sa puwesto kapag napatunayang siya ang nasa likod ng pagpapatalsik sa kanya sa SC.

Sa paniniwala ng mga mamamayan, kabilang na ang kolumnistang ito, parang “suntok sa buwan” ang hamong iyon ni Sereno. Dapat daw ay ginawa niya ito nang unang maghamon si PRRD na para raw tumino ang Pilipinas, silang tatlo nina Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay magsipagbitiw sa mga puwesto.

Kung noon daw ay tinanggap ni Sereno ang hamon ng Presidente, tiyak na maiipit ito at baka sakaling (kahit katiting) ay nag-resign ang Pangulong “strongman”. Noon ay hinamon ni Mano Digong sina Sereno at Carpio-Morales, na upang maibsan ang kaguluhan at kalituhan sa bansa bunsod ng kanilang di-pagkakaunawaan at alitan, silang tatlo ay bumaba sa puwesto.

Sa news story ng isang English broadsheet noong Biyernes (“Ousted CJ dares Rody to resign”), ganito ang palabang hamon ng babaeng pinalayas sa Korte Suprema: “Galing sa kanyang bibig ang pag-amin na siya ang pasimula at magpupursige sa pagtatanggal sa akin. Pwes, Ginoong Pangulo, mag-resign ka na”. Ibig sabihin, ang quo warranto petition ni SolGen Jose Calida ay mula kay PDu30 dahil ang Office of the Solicitor General ay nasa ilalim ng Office of the President.

Sabi ko nga sa kaibigang palabiro-sarkastiko: “Kung suntok sa buwan ang hamon ni Sereno na magbitiw si Mano Digong, ito ay parang pagsisid sa baul ng kayamanan ni Simoun (karakter sa El Filibusterismo) na inihagis ng isang pari sa dagat upang hindi mapunta sa mga sakim at gahaman.” Para sa kolumnistang ito, imposibleng magbitiw ang mahal nating Pangulo!

Naniniwala si Sereno na si PRRD ang nasa likod ng kanyang ouster sa SC dahil sa galit sa kanya, tahasang inihayag ng Pangulo na “Ako ay kaaway mo na ngayon at sisiguruhin kong mawawala ka sa SC.’ Gayunman, itinanggi ng Pangulo na siya ang nasa likod ng ouster move at naghamong siya ay magbibitiw kung may isa man lang mambabatas (kongresista o senador) na kinausap siya hinggil dito.

Sa pagsasalita ni Sereno sa forum na inorganisa ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), hindi na umano kailangan ang opisyal na deklarasyon ng martial law sa ‘Pinas sapagkat ang nangyayari ngayon ay maliwanag na pag-iral ng diktadurya. Dagdag ng pinatalsik na Chief Justice: “If he does not like dissent, let’s give him dissent. If he does not like to hear the voice of the people. Let us make hear the voice of the people.”

Kung talamak ang modus operandi ng sindikatong “Tanim Bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong panahon ni ex-Pres. Noynoy Aquino, mukhang matindi rin ngayon ang kaaliwaswasan sa airport. Ayon sa balita, may P10 bilyon ang kinita ng tinatawag na “Escort ring” sa nakalipas na ilang taon ng maimpluwensiyang sindikato na nagpupuslit ng mga alahas (jewelry).

Galit na galit ang Pangulo at asar na asar sa kurapsiyon, kalokohan, at tiwaling gawain. Iniutos niya ang pagsibak sa mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC) at NAIA na sangkot sa pagpupuslit ng mga alahas. Pinakakasuhan din niya ang mga ito sa Office of the Ombudsman. Suhestiyon nga ng mga tao: “Tokhangin na lang sila at nang hindi pamarisan.”

-Bert de Guzman