CEBU CITY – Mula sa interschool, inter-club, at Palarong Pambansa, matutunghayan ang pinakamahuhusay na atleta sa bansa sa paglarga ng Philippine National Games (PNG) simula ngayon sa Cebu City Sports Complex.
Nakataya ang insentibong P5 milyon para sa mangungunang Local Government Unit (LGU) sa multi-event tournament na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC).
Pangungunahan ni Pangulong Duterte, inimbitahan bilang special
guest at speaker, ang opening ceremony sa torneo na lalahukan ng may 4,000 atleta mula sa iba’t ibang LGUs sa bansa.
Nakaantabay si PSC Chairman William “Butch” Ramirez, at mga commissioners na sina Ramon Fernandez, Celia Kiram, Charles Maxey at Arnold Agustin, gayundin sina Bwling hall-of-fame Bong Coo, Olympian Mansueto ‘Onyok’ Velasco, Rio Olympic silver medal winner Hidilyn Diaz at six-time SEA Games long jump champion Elma Muros-Posadas.
Kasado na din pati ang pakikipag kasundo ng PSC sa Cebu Province kung saan lumagda sa isang Memorandum of Agreement ang Gobernador nito na si Hilario Davide III upang pagtibayin ang kasunduan sa pagitan ng nasabing ahensiya ng gobyerno at ng probinsya ng Cebu.
“Now that everything is set, let us all be excited to witness the best of our Filipino athletes, “ ayon kay PSC commissioner Fernandez, Officer-in-Charge sa nasabing event.
Kabuuang 2,576 medalya ang nakataya sa event na inaasahang mapagkukunan ng bagong talento na maisasama sa National Team.
Bukod pa dito masasaksihan din na maglaro ang mga miyembro ng National team para sa kani-kanilang mga LGUs gayundin ang mga Fil-Foreign athletes upang irepresenta ang lugar kung saan nagmula ang kanilang Filipinong magulang.
“This is going to be an exciting event and we are very thankful to President Duterte for supporting this project. This is the first time that the Philippine President is going to be the guest of honor for PNG, kaya nakakatuwa ito,” pahayag ni Ramirez.
-Annie Abad