April 13, 2026

Home BALITA National

VP Sara, kinuwento aktuwal na komprontasyon nila ni PBBM noong 2023!

VP Sara, kinuwento aktuwal na komprontasyon nila ni PBBM noong 2023!
Photo courtesy: VP Sara Duterte (YT), File Photo

Ibinahagi sa publiko ni Vice President Sara Duterte ang naging pangungumpronta umano niya nang personal kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Nobyembre 2023. 

Ayon sa pinangunahang programa ni VP Sara na may temang “Ibalik ang Tapang at Malasakit” na naere sa social media noong Biyernes, Marso 6, 2026, binalikan niya ang naging pagpunta umano niya kay PBBM kasama si Sen. Imee Marcos noon. 

“Noong [November 2023] kung maalala ninyo, paalis siya papuntang United States para sa APEC. Bago siya umalis, one day before, tinawagan ko si Sen. Imee Marcos. Sabi ko sa kaniya, ‘Samahan mo naman ako kasi kailangan kong kausapin si BBM,’” pagsisimula niya. 

Paglilinaw niya, “Kailangan kong isama si Sen. Imee dahil hindi ko kaibigan si BBM. Katrabaho ko lang siya, Presidente lang siya para sa akin. Si Sen. Imee, maayos na kausap na tao at saka kapatid niya.” 

Ani VP Sara, diretso raw niyang kinompronta si PBBM at kinuwestiyon niya tungkol sa gumugulong pa lang na impeachment laban sa kaniya noon. 

National

Palasyo sa nambabatikos kay PBBM: ‘Puro tayo pintas, pero walang nagagawang solusyon!’

“Nandoon kami. Kinompronta diretso si BBM. Sabi ko sa kaniya, ‘Bakit mayroong pagpaplano ng impeachment sa House of Representatives sa akin?’ Sabi niya, ‘No, that’s not true. There’s nothing like that.’ Ganiyan siya,” pagkukuwento niya. 

Anang bise presidente, natigil lang daw ang pagsasalita ni PBBM nang madulas umano ito tungkol sa pagsusulong nila ng Charter Change (Cha-Cha), isang amyendang naglalayong magkaroon ng revision sa konstitusyon ng Pilipinas. 

“Tapos natigil ‘yong denial niya kasi sa sobrang daldal niya, lumabas sa bibig niya na ang prayoridad daw is Charter Change,” aniya. 

Pagpapatuloy ni VP Sara, agad daw nagbahagi ng reaksyon si Sen. Imee nang marinig nito ang tungkol sa Cha-Cha at dinepensa raw ni PBBM na tanging “economic provisions” lang daw ang balak nilang baguhin noon. 

“Noong narinig ni Sen. Imee ‘yong ‘Charter Change,’ nag-react siya. Sabi niya, ‘Sa dinami-dami ng problema ng ating bansa, bakit naging Charter Change na ang prayoridad?’ Sabi niya [ni PBBM], ‘No. This will be for the country because it’s all about the economic provisions.’ Ganiyan,” saad niya. 

“So sabi ni Sen. Imee sa kaniya na parang, ‘Hindi ‘yan economic provisions kasi kapag binuksan mo ‘yong amendments ng Constitution, bubuksan mo lahat ‘yon. Hindi mo puwedeng sabihin na ito lang, economic provisions lang. Kasama na doon ‘yong political,’” ‘ika pa niya. 

Diin ni VP Sara, balak daw kasi ng isinusulong na Cha-Cha noon nila PBBM na pahabain ang termino ng panunungkulan ng mga miyembro ng Kamara. 

“Doon kasi unang diniscussed na tatanggalin ang opisina ng Vice President at papahabain ‘yong terms ng members ng House of the Representatives. So more than three years na ‘yong isang termino,” kuwento pa niya. 

“Na-confirm ko na alam ni BBM ‘yong ginagawa—bilihan ng signature sa People’s Initiative. Doon sa discussion namin kasama si Sen. Imee Marcos,” pagtatapos ni VP Sara. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag ang Pangulo kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara sa mga ahensya ng gobyerno: 'Kumilos na kayo!'

Mc Vincent Mirabuna/Balita