Ni Mary Ann Santiago

Tapos na ang pakikipagtaguan ng isang lalaki na itinuturing na No. 1 most wanted person (MWP) ng Pasig City Police dahil sa umano’y panggagahasa sa kanyang hipag nang maaresto matapos dalawin ang kanyang misis sa Barangay San Miguel kamakalawa.

Iniharap sa media at kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Police Director Camilo Pancratius Cascolan ang suspek na si Ronald Russel Cruz Santos, alyas Azze, 30, ng 8 Villarosa Street, Sto. Thomas, Pasig City, sa isang pulong-balitaan dakong 11:00 ng gabi kamakalawa.

Ayon kay Eastern Police District (EPD) director, Police Chief Supt. Reynaldo Biay, inaresto si Santos ng mga tauhan ng Pasig City Police Station Intelligence Unit, sa pangunguna ni Police Supt. Hendrix Mangaldan at sa direktang superbisyon ni Police Senior Supt. Orlando Yebra, sa San Miguel Avenue, sa Bgy. San Miguel, dakong 10:15 ng gabi.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Una rito, nakatanggap ng tip ang awtoridad mula sa isang concerned citizen hinggil sa presensiya ng suspek sa kanilang lugar, matapos na dalawin ang kanyang misis na bagong panganak.

Hindi nag-aksaya ng panahon ang awtoridad at inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa tatlong bilang ng kasong panggagahasa.

Sa record ng hukuman, Setyembre 2016 nang tatlong beses umanong halayin ni Santos ang kanyang menor de edad na hipag.

Taong 2017, nagtago ang suspek matapos siyang isyuhan ng mandamyento de aresto.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Pasig City Police Station.