Ni Clemen Bautista
IKA-14 ngayon ng mainit zt maalinsangang buwan ng Mayo. Isang karaniwang araw ng Lunes sa ibang bansa. Ngunit sa iniibig natign Pilipinas, ang Mayo 14 ay mahalaga at natatangi sapagkat magkasabay na gagawin ang Barangay at Sanggunian Kabataan (SK) elections. Ipinahayag ang araw na ito bilang isang non-working holiday ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mabigyan ng pagkakataon ang ating mga kababayan sa mga barangay sa buong bansa, na magamit ang mahalagang karapatan upang ihalal ang mga opisyal ng barangay na sa kanilang paniwala ay karapatdapat na mamuno sa kani-kanilang barangay. Gayundin ang mga kabataan na maaasahan sa paglilingkod.
Matatandaan na ang magkasabay na Barangay at SK Elections ay dalawang beses na ipinagpaliban sa utos ni Pangulong Duterte. Ang unang pagpapaliban ay noong Oktubre 2016 at ang ikalawang postponement ay noong Oktubre 23, 2017. Ang COMELEC (Commission on Elections) ay nagsagawa pa ng registration ng mga botante upang makaboto sa gagawing sabay na Barangay at SK elections. Ang isa sa pangunahing dahilan sa utos ng pagpapaliban ng halalan ay maraming barangay captain ang sangkot sa illegal drugs ayon sa Pangulong Duterte. Tiyak, gagamit ng drug money ang mga barangay chairman upang sila’y muling mahalal at manatili sa kapangyarihan.
Sa nasabing pagpapaliban ng BSKE, nanlumo at nalungkot ang mga wannabe barangay chairman at mga kagawad. Marami na sa kanila ang nagparamdam at nagpakilala sa kani-kanilang barangay. Nagpagawa na ng mga tarpaulin. Inilagay at isinabit sa mga istratehikong lugar sa barangay at harap ng paaralan. Nakalarawan ang wannabe at nagpapahatid ng pagbati sa mga magtatapos na mag-aaral at sa mga kapistahan ng mga Sitio ng barangay.
Marami naman ang nagsabi na ang ginawang pagpapapaliban ng dalawang beses ng BSKE ay parang binigyan ng bonus sa panunungkulan ang mga incumbent na barangay chairman kasama ang mga bugok, corrupt, tamad at mga halos isuka at isumpa ng kanilang mga constituent. Ang pagpapaliban ay naging isang patuloy na parusa sa mga mamamayan sa barangay na naghihintay ng maayos at matapat na paglilingkod.
Ngayong gagawin na ang sabay na BSKE, marami na ang natuwa sapagkat matutupad na ang hangarin ng mga naninirahan sa mga barangay na makapipili at maihahalal nila ang mga barangay chairman at mga kagawad na matalino, matino, matapat at maaasahan sa tunay na paglilingkod. Panahon na rin na masipa sa tungkulin ang mga barangay chairman at mga kagawad na corrupt at tamad.
Sa lalawigan ng Rizal na may 188 barangay sa 13 bayan at isang lungsod, kanina pang madaling-araw ay nagtungo na sa mga paaralan na pagdarausan ng eleksyon ang mga guro. Dala ang mga balota at iba pang paraphernalia na gagamitin sa halalan. May escort silang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP). Ang Rizal Police Provincial Office (RPPO) ay nagde-ploy na ng mga pulis sa mga paaralan at mga presinto na gagawin ang sabay na halalan. Walang iniulat na hot spot sa lalawigan ng Rizal.
Ngunit may mga barangay na mahigpit ang labanan ng mga kandidatong barangay chairman. Sa Jalajala ay close fight ang labanan sa Barangay Punta, Bgy. Palay-Palay, Bgy. Pagkalinawan at Bgy. Bagumbong. Sa Baras, Rizal, ang Barangay Pinugay na nasa bundok ay mayroong mahigit na 7,000 botante. Inaasahan din na mahigpit ang labanan ng mga kandidato. Sa Angono, Rizal, tatlong barangay ang mahigpit ang labanan ng mga kandidatong barangay chairman tulad ng Bgy. San Isidro, Bgy. San Roque at Bgy. Kalayaan. Malaki ang internal revenue allotment (IRA) ng nasabing tatlong barangay sa Angono. Pinakamaliit na barangay naman sa buong Rizal ang Bgy. Poblacion. Dito makikita ang bahay, art gallery at mga relief scuplture ng National Artist na si Carlos Botong Francisco sa mga bakod na pader ng mga bahay. Pinakamalaking bayan naman ang Binangonan na may 40 barangay. May 23 barangay sa mainland at 17 barangay naman sa Talim Island.
Pinakamalayong barangay naman sa Rizal ang Bgy. Sta. Ines, Tanay, Rizal. Nasa boundary na ng Rizal at Quezon. Pitong ilog ang daraanan bago marating.
Sa idaraos na Barangay at SK elections, tulad ng marami nating kababayan na nagdarasal na maging maayos at tahimik, ang Diocese ng Antipolo ay may isang special prayer para sa nasabing sabay na halalan. Sinimulang dasalin sa mga simbahan at parokya noong Mayo 11, 2018 bago matapos ang misa. Bahagi ng dasal na maihalal ang mga lalake at babae na tunay at nasa puso ang katapatan sa paglilingkod. Mag-aangat ng ikabubuti ng barangay.