Ni Aris Ilagan
SARAP na sarap si Boy Commute kapag nagmomotorsiklo patungong Tagaytay tuwing weekend.
Masarap ang simoy ng hangin at malamig ang klima, lalo kung maagang nakararating ang kanyang motorcycle group sa lugar.
Paminsan-minsan, nakatitiyempo rin sila ng makapal na hamog habang tinatahak ang Sta. Rosa-Tagaytay Highway patungo sa poblacion.
Sa tabi ng daan ay masisilayan ang matamis na ngiti ng mga tindera katabi ang mga prutas at gulay na kanilang ikinakalakal.
Sa isang bahagi ng naturang kalsada ay mga naggagandahang muwebles na karaniwan ding dinarayo ng mga turista.
Marami na ang nakapapansin sa pagdagsa ng mga motorcycle rider sa Tagaytay tuwing Sabado o Linggo.
Doon sila nag-aalmusal at magpapahinga bago bumalik sa Metro Manila. Madalas ay hindi sila nagtatagal sa lugar upang makauwi sa kani-kanilang pamilya bago magtanghalian.
Ang tawag nila rito ay ‘breakfast ride.’
Kumbaga, nagkakalabitan lang ang mga rider upang makabuo ng grupo na bibiyahe, sakay sa kanilang motorsiklo, patungong Tagaytay.
Ito rin ang dahilan kung bakit lumalago ang kalakalan sa naturang lugar dahil sa dami ng motorcycle rider na nagpupunta rito linggo-linggo.
Subalit mayroon ding masamang epekto ang paglago ng moto tourism sa Tagaytay.
Alam n’yo ba na halos linggo-linggo ay hindi nawawalan ng aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo sa naturang siyudad.
Mismong nilalagare ng mga emergency vehicle ang Sta. Rosa-Tagaytay Highway at Tagaytay-Nasugbu Highway sa tuwing may naaaksidenteng rider dito.
Nitong Sabado, tatlong magkakahiwalay na aksidente ang nasaksihan ni Boy Commute.
Pasintabi po. Isa sa mga ito ay nagkalat ang utak sa aspalto dahil hindi nakasuot ng helmet nang mangyari ang trahedya.
‘Yung dalawa naman ay nagmistulang tocino ang balat matapos kumaskas sa lupa. Mayroon din sa kanilang nakatsinelas lang.
Ayan ang matagal na nating sinasabi: Dapat ay laging nakasuot ng proper riding gear ang mga rider bago humarurot sa kalsada.
Dahil sa mga aksidente, nagbuhul-buhol din ang trapiko kaya marami ring motorista ang naperhuwisyo.
Sa kabila nito, saludo naman tayo sa mga emergency response team na nasaksihan natin ang kahusayan sa pagtugon sa aksidente.
Natanaw din ni Boy Commute ang ‘tila modernong medical equipment na bitbit ng mga emergency crew. Nakabibilib!
Saludo tayo sa liderato ng Tagaytay City dahil tinutustusan nila ang mga emergency response team ng kaukulang first aid gadget kaya malaking porsiyento ng kanilang nasasagip ay nailalayo sa kamatayan.
Sana’y ganito lahat ng lokal na pamahalaan.
Oo nga pala, eleksiyon na naman!