Pinadalhan ng Show Cause Order (SCO) ng Land Transportation Office (LTO) ang rehistradong may-ari at ang nagmamaneho ng isang Toyota Vios matapos maging usap-usapan sa social media ang pagpulot niya ng asong nasagasaan sa North Luzon Expressway (NLEX).
Sa kumalat na video online, makikitang tumigil ang sasakyan sa mismong bahagi ng expressway.
Isang pasahero ang bumaba at kinuha ang bangkay ng hayop na nasa gitna ng kalsada. Ang naturang video ay ibinahagi sa Facebook page na “Cosh’s Chiquitings” at mabilis na nag-viral.
Ayon sa LTO, posibleng lumabag sa umiiral na batas-trapiko ang ginawa ng driver, kabilang ang reckless driving at obstruction of traffic, dahil sa paghinto sa isang high-speed roadway na maaaring magdulot ng panganib sa ibang motorista.
Sa ilalim ng inilabas na kautusan, pansamantalang sinuspinde sa loob ng 90 araw ang lisensya ng driver habang isinasagawa ang imbestigasyon. Isinailalim din sa alarm status ang naturang sasakyan.
Inatasan ang may-ari at ang driver na magsumite ng notarized na paliwanag at iba pang kinakailangang dokumento bilang bahagi ng pagdinig.
Babala ng ahensya, kapag hindi sila sumipot sa itinakdang petsa ng hearing, ituturing itong pagtalikod sa kanilang karapatang magpaliwanag at pagbabatayan ang mga ebidensyang hawak ng LTO sa pagresolba ng kaso.
Kaugnay nito, tila naging hati rin ang opinyon ng ilang netizens sa desisyon ng LTO at sa ginawa ng nasabing driver.
“Yung concern ka lang at baka makadisgraxa pero naging kasalanan mo pa.”
“Makakaaksidente ung hayop pag hindi tinabi dba??”
“Nagmagandang loob lang para di na makadisgrasya, napasama pa.”
“Wala kasi sa hulog ung pagkabait.”
“The intention is clear but the action defeated the intention.”
“When common sense is not very common with LTO.”
“Huminto kase sa gitna ..dapat tumabi muna.”