Nina MARY ANN SANTIAGO at CHITO A. CHAVEZ

Magsisimula nang umarangkada ngayong Biyernes, Mayo 4, ang campaign period ng mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Mayo 14.

Kaugnay nito, nagbigay ng mga paalala at mga gabay para sa eleksiyon ang Commission on Elections (Comelec) para sa mga kandidato, gayundin sa mga botante.

Para sa mga kandidato, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na dapat na sumunod ang mga ito sa ipinatutupad na mga panuntunan ng poll body para sa pangangampanya.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

CAMPAIGN MATERIALS

Ayon kay Jimenez, ang mga propaganda at campaign materials ay dapat na may sukat lamang na two feet by three feet, at dapat na ipaskil sa common poster areas.

Mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng campaign materials sa mga puno at mga poste ng kuryente.

Paalala pa ni Jimenez, lahat ng materyales na ipapaskil ng mga kandidato sa mga lugar na hindi common poster areas ay tiyak na tatanggalin ng Comelec at mga katuwang nitong ahensiya.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pamimili ng kandidato ng boto o pagbabayad sa mga botante, upang hikayatin ang mga ito na iboto sila.

MAGKAIBANG BALOTA

Para naman sa mga botante, ipinayo ni Jimenez na suriing mabuti ang kanilang mga balota upang maiwasang ma-invalidate o mabalewala ang kanilang boto.

“Dapat tingnan natin, maging mindful tayo du’n sa balotang ginagamit natin,” ani Jimenez. “Siguraduhin po nila na bago sila sumulat ng pangalan sa mga balota, alamin nila na tamang balota ang ginagamit nila.”

Dahil magkaiba ang balota ng halalang pambarangay at pang-SK, nilinaw ni Jimenez na pula ang imprenta ng balota para sa SK, habang itim naman ang para sa barangay.

Nabatid na ang mga botante na edad 15-30 ay makakaboto sa SK, habang ang mga edad 18 pataas ay maaari nang bumoto para sa barangay polls.

Sa Mayo 12 magtatapos ang campaign period, dalawang araw bago ang halalan, Mayo 14, na idineklarang special non-working holiday ni Pangulong Duterte.

IWASANG MAGKALAT

Kasabay nito, hinimok kahapon ng EcoWaste Coalition ang mga kandidato na iwasang magkalat at makadagdag pa sa polusyon sa kapaligiran habang nangangampanya.

“We renew our appeal to all contenders to be respectful of their constituents’ right to a healthy environment. Their keen desire to get the voters’ nod should not worsen the waste and pollution woes of the communities, especially in heavily populated barangays, that they are hoping to serve,” sabi ni Daniel Alejandre, zero waste campaigner ng EcoWaste Coalition.

“Campaign materials consume lots of resources to get produced and disseminated. Paper leaflets, for instance, are made from wood pulp from trees. Water, bleaching chemicals, dyes and inks, and, not to forget, fossil fuels, are used to make them,” paliwanag ni Alejandre. “While it takes a lengthy and resource-intensive process to produce them, campaign materials are often disposed of as garbage, dumped or burned.”

Sa buong campaign period, hinikayat ng EcoWaste ang mga kandidato na gawin ang 5Rs: “1. Reject overspending for campaign activities/materials, 2. Reduce trash by avoiding use of materials that are not necessary, reusable or recyclable; 3. Respect the trees by keeping them poster-free; 4. Retrieve campaign materials for reusing, recycling purposes; 5. Remove campaign materials immediately after the polling day.