Ni MARY ANN SANTIAGO

Pormal nang magsisimula ngayong Sabado, Abril 14, ang election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Mayo 14.

Kasabay nito, inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na simula ngayong Sabado ay tatanggap na rin ang poll body ng mga Certificate of Candidacy (COC) ng mga nais na kumandidato, simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Maaaring maghain ng COC hanggang sa Biyernes, Abril 20.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng Comelec ang publiko na kasabay ng pagsisimula ng election period ay simula na ring ipatutupad ang gun ban, o ang pagbabawal sa pagdadala at pagbibiyahe ng mga baril at iba pang nakamamatay na sandata, gayundin ang pagkakaroon ng mga security personnel o bodyguards.

Alinsunod sa gun ban, lahat ng permit to carry, mission order, at iba pang permiso ay kanselado na, at tanging mga pulis, sundalo, at mga security personnel na may exemption at naka-duty ang maaaring magbitbit ng armas.

Ganap na 12:01 ng hatinggabi ngayong Abril 14 ay epektibo na ang gun ban, at inaasahang maglalagay na ng mga checkpoint ang Comelec, katuwang ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa mga lansangan.

Nagpaalala naman ang Comelec sa PNP na dapat na sa maliwanag na lugar maglagay ng checkpoint, na binabantayan ng mga unipormadong pulis, na may malinaw at nababasang name tags, para malaman ng publiko na lehitimo ang checkpoint.

Bawal na rin ang pagtatalaga ng sinuman sa pampublikong posisyon, at paggamit sa mga government property, lalo na sa kampanya.

Ang election period ay magtatagal hanggang sa Mayo 21, 2018.