Ni Bert de Guzman
SA tindi ng galit ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno dahil sa bintang na siya ang “unseen hand” o nagmamaniobra upang siya ay matanggal sa puwesto, tahasang idineklara ng Pangulo na “I am now your enemy” (Banner Story ng Balita noong Abril 10).
Sa pagkainis ni Mano Digong kay Sereno, nagbanta siyang gagamitin niya ang taglay na kapangyarihan upang tuluyang mawala sa SC post ang unang babae na naging Chief Justice, matapos hirangin ni ex-PNoy noong 2012.
Banta ni PDu30: “Ngayon ay kalaban mo na ako. Dapat na mawala ka sa Supreme Court.” Sinabi ng Pangulo na gagamitin niya ang lahat ng resources na taglay ng panguluhan upang bilisan ng Kamara at Senado ang impeachment process laban kay Sereno upang maipadala agad ito sa Senado na maglilitis.
Kakausapin daw niya si Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez para bilisan ang proseso ng impeachment. Hindi ba ang Kongreso ay hiwalay na sangay ng gobyerno? O napasusunod ito ng Ehekutibo?
Matatag naman si CJ Sereno. Sa pagsasalita niya sa Araw ng Kagitingan na inorganisa ng Movement Against Tyranny sa Quezon City noong Abril 9, tandisang tinukoy niya si PDU30 na siyang “unseen hand” na nagmamaniobra para mapatalsik siya sa puwesto.
Badya ni Sereno: “Mr. President, if you say you have no hands in this, please explain why Solicitor General Calida, who reports to you, filed the quo warranto?” Aba, may lohika si CJ. Dagdag pa: “Esmarte na ang mga Pilipino ngayon.
Nakakaintindi na sila. Hindi mo kailangan pang ihayag ang katotohanan sa kanila tungkol sa “unseen hand”.
Nagtataka ang mga Pinoy kung bakit daw ang hilig ni Pres. Rody na makipag-away sa mga babae. Una, ipinakulong niya si Sen. De Lima. Ikalawa, inaaway niya si Ombudsman Conchita Carpio-Morales. Ngayon, kabangga niya si CJ Sereno.
Sabi ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Si Presidente ay isang ladies’ man. Mapagmahal sa mga babae, pero kapag napipikon, binabanatan din sila.” Sabad ni senior-jogger na umiinom ng kape: “Tandaan na mga babae ang nakakaaway niya ay dahil sila lang ang may ‘balls’, hindi tulad ng mga senador at kongresista na may ‘yagba’ nga ay urong naman.
May obserbasyon ang mga netizen: Mas grabe raw si Mano Digong kumpara kay ex-Pres. Marcos. Noon daw FM regime, pinapayungan lang ng SC Chief Justice si First Lady Imelda Marcos. Ngayon daw Digong time, binabangga niya nang tuwiran ang Punong Mahistrado kahit isa siyang babae. At tinitiyak na matatanggal ito sa puwesto!