UMAASA tayong ang mga huling kaganapan sa Washington, DC ay hindi makaaapekto sa gagawing pag-uusap sa pagitan nina United States President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong Un.
Pumayag si President Trump sa pulong nitong Marso 7 makaraang magpadala ng mensahe sa kanya ang pinuno ng North Korea, sa pamamagitan ni South Korean President Moon Jae-in, sinabing nais niyang magkausap sila at nagpahayag din ng kahandaang bitawan ang mga nukleyar na armas ng kanyang bansa. Tinanggap ni Trump ang imbitasyon, isang malaking pagbabago makalipas ang ilang buwan nang magpalitan ng bantang nukleyar ang dalawang bansa.
Maganda ang bagong development sa panig ng North Korea; sa biglaan niyang pagbisita sa Beijing, nangako si Kim Jong Un na lilinisin niya na aalisin ang lahat ng nukleyar na armas sa Korean peninsula.
Subalit sa Amerika, pinalitan ni President Trump si Secretary of State Rex Tillerson na matagal nang isinusulong ang diplomasya sa North Korea, na hayagan namang kinokontra ni Trump. Ang bagong secretary of state ay ang dating CIA director na si Mike Pompeo.
Itinalaga ni Trump ang bagong national security adviser—si John Bolton, na matagal nang kilalang “hawk’s hawk” o “super-hawk” sa mga polisiyang panlabas ng Amerika. Noong 2003, sa bisperas ng negosasyon kaugnay ng programang nukleyar ng North Korea, tinawag ni Bolton si Kim Jong Il, ang dating presidente at yumaong ama ni Kim Jong Un, bilang “tyrannical dictator”.
Sa matagal na nitong alitan sa North Korea, nagpasaklolo ang Amerika sa pangunahing kaalyado ng North, ang China. Gayunman, noong nakaraang linggo ay inihayag ni Trump ang pagpapataw ng taripa—aabot sa $60 billion—sa mga produkto ng China na pumapasok sa Amerika. Nangako ang China na gaganti sa pagpapataw ng karagdagang buwis na aabot sa hanggang $3 billion sa mga inaangkat nitong produkto mula sa Amerika. Walang nabebenepisyuhan sa digmaan ng kalakalan, ayon sa Beijing, subalit hindi rin itong nangangambang makipagsabayan kung kinakailangan.
May tensiyon na sa pagitan ng Amerika at China dahil sa pag-angkin ng huli ng soberanya sa halos buong South China Sea laban sa determinasyon ng Amerika na makapaglayag sa pinag-aagawang karagatan sa bisa ng malayang paglalayag. At nariyan naman ngayon ang umuusbong na digmaang pangkalakalan. Hindi inaasahang makatutulong ang China sa Amerika kaugnay ng nakatakdang pakikipag-usap ng huli sa North Korea.
Dalawang buwan bago ang inaasahang US-North Korea summit, magsasagawa ng mga paunang negosasyon ang mga kinatawan ng Amerika, North Korea at South Korea sa Finland. Umaasa ang South Korea na pagkatapos ng pag-uusap nina Trump at Kim ay maidaraos na ang summit ng tatlong bansa, kasama ang South Korea, upang matuldukan na ang digmaang patuloy na umiiral sa dalawang Korea ilang dekada makalipas ang Korean War noong 1950.
Nananatili ang positibong pag-asam ng mundo sa kabila ng mga negatibong nangyayari sa mga pandaigdigang ugnayan, partikular na dahil nakaaapekto ito sa Amerika at China. Kahit pa palitan ng “hawks” ang “doves” sa mga opisyal ni Trump, kahit pa wala ang aktibong pagtulong ng China, dapat na tanggapin ng mga pinuno ng Amerika at North Korea ang oportunidad na makapag-usap at magkaroon ng kasunduan na mangangahulugan ng kapayapaan hindi lamang para sa kani-kanilang bansa kundi para sa rehiyon at sa buong mundo.