ni Clemen Bautista
ANG katahimikan, lumbay at anino ng lungkot ay mga larawan at damdaming nadarama at nakikita sa mga simbahan ngayong Sabado Santo na tinatawag din na “Black Saturday” at “Sabado de Gloria”.
Sa kabila nito, ang diwa ng inaasahang kagalakan at paghihintay ay pag-asang nasa puso ng bawat Kristiyano na si Kristo’y muling mabubuhay.
Ang Sabado Santo ang pinakasimple sa lahat ng araw ng Semana Santa sapagkat bukod sa walang ritwal sa umaga, wala pa ring palamuting bulaklak, kandila at mantel ang altar ng mga simbahan. Ang diwa at kahulugan nito ay naglulundo ng iisang kahulugan—gunitain ng bawat Kristiyano si Kristo na nasa libingan at pagsisihan ang mga pagkakasala at pagkukulang na naging dahilan ng Kanyang walang katumbas na paghihirap at kamatayan sa krus.
Ngayong Sabado Santo, ang pormal na ritwal sa mga simbahan ay magsisimula sa paglubog ng araw o mamayang gabi. Tampok sa ritwal ang “Easter Vigil” o ang paghihintay sa muling pagkabuhay ni Kristo. May apat na bahagi ang Easter Vigil. Ang mga ito ay ang “Lucernarium” o Service of the Light, pagbasa ng maikling kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan, renewal of baptismal promises o ang panibagong pangako sa binyag at ang Misa at ang komunyon.
Ang “Lucernarium” ay ang bendisyon ng apoy at tubig at ng Paschal o Easter candle. Ang bendisyon ng apoy ay ginagawa sa labas ng simbahan. Pinapatay muna ang lahat ng ilaw sa simbahan. Muli itong binubuksan matapos ang seremonya ng bendisyon ng apoy. Matapos ang bendisyon ng apoy at tubig, ang pari ay mangunguna sa mga tao sa isang banal na prusisyon sa loob ng simbahan. Tatlong ulit dinadalit ng pari ang, “Kristo, Aming Liwanag” at pagkatapos ay isusunod niya ang pagsisindi ng Easter candle.
Ang Easter candle ay malaking kandila na may hiwang katulad ng krus at dito’y nakaukit ang una at huling letra ng Greek alphabet—ang alpha at omega na kahulugan ay Simula at Wakas.
Sa paniniwalang Kristiyano, ang apoy ay sagisag ni Kristo na nasa misteryo ng Muling Pagkabuhay at ang Easter candle ay ang buhay at liwanag na espirituwal na nagmumula kay Kristo.
Kapag sumapit na sa altar ang pari, aawitin ang “exultet”. Ito ay salitang Latin na nangangahulugan ng Magsaya. Kasunod na nito ang Misa kung saan ang mga pari ay nagsusuot ng kulay puti. At kasabay ng pag-awit ng “ Gloria in Excelsis Deo” o Papuri sa Diyos, lahat ng ilaw sa simbahan ay bukbuksan at ang mga kampana na hindi pinatunog mula noong gabi ng Huwebes Santo ay muling kakalembang bilang hudyat na si Kristo’y muling nabuhay.
Sa ibang simbahan, tulad sa Saint Clement parish sa Angono, makikita sa isang panig ng simbahan ang itinayong tila bundok at yungib na pinaglibingan ni Kristo.
Kasabay ng pag-awit ng Papuri sa Diyos, mabubuksan ang “libingan” ni Kristo. Gugulong ang mga paper mache na bato. Papailanglang ang makapal na usok. Kumikidlat. At habang napapawi ang makapal na usok, unti-unting lumilitaw ang malaking imahen ng Kristong Muling Nabuhay. Makikita sa bukana ng libingan ni Kristo ang isang nakatayong anghel na aawit ng “Regina Coeli” na sinasabayan ng pagsasaboy ng mga confetti na may iba’t ibang kulay. Kasunod na nito ang malakas na palakpakan ng mga nagsisimba. Matapos ang pag-awit, ipagpapatuloy na ang Misa.