Ni Bert de Guzman

NOON, buong tapang na sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na kandidato pa lang sa pagka-pangulo, na ipakakain niya sa mga isda sa dagat ang mga tiwali at bulok (corrupt) na opisyal ng gobyerno.

Humanga at bumilib sa kanya ang mga Pinoy. Nagtamo siya ng 16.6 milyong boto. Tinalo niya sina Mar Roxas at Grace Poe na parehong “pinulot sa kangkungan” wika nga. Eh sino ang hindi hahanga at bibilib sa kanya nang ihayag din niya na kapag sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay hindi niya nasugpo ang illegal drugs, siya ay magbibitiw at ibibigay ang poder sa nanalong vice president.

Ngayon ay iba naman ang ipakakain niya sa mga buwaya. Sila ay ang mga lawyer at eksperto ng United Nations for Human Rights sa pangunguna ni High Commissioner for Human Rights Zeid Ra’ad Al Hussein. Napikon si Mano Digong matapos imungkahi ni Hussein na kailangang “ipasuri ang kanyang ulo” bunsod ng umano’y kung anu-anong komento nito laban sa UN rapporteur.

Galit si PRRD, at kapag galit ang Pangulo, hindi lang mura ang tinatanggap ng kinagagalitan niya. Nagbabanta pa siya nang pisikal. Ayon kay PDu30, ang UN human rights team ay dapat itapon at ipakain sa mga buwaya. Sabi ng kaibigan kong journalist: “Maraming buwaya sa Kongreso. Sige Mr. Duterte doon mo ihagis sina Hussein at mga kasama.”

Samantala, hinimok ni Hussein ang mga lider-pulitikal sa mundo na gayahin si Nelson Mandela upang magtamo ng “global respect”. Hindi niya binanggit nang partikular si PRRD nang magsalita siya sa Human Rights Council, pero maliwanag na isa sa tinutukoy ni Hussein ay ang ating Pangulo.

Badya ni Hussein: “To deserve global respect, you must begin to follow his (Mandela’s) example--committing to the spirit and letter of the Universal Declaration of Rights”. Hindi naniniwala rito si Mano Digong. Inutos niya sa mga pulis na manatiling tahimik at huwag sagutin ang mga tanong ng UN rapporteurs na pupunta sa Pinas. Sabihin ninyo sa kanila: “Meron kaming commander-in-chief. Hindi ba sinabi ko na sa inyo na I take full responsibility.”

Noon ay si Mao Zedong (Mao Tse Tung). Ngayon ay Xi Jinping. Si Mao ang idolo ng buong China noon at pinanatili sa kapangyarihan sa loob ng maraming panahon. Ngayon, ang modernong China ay nagpasiyang alisin ang term limit ng Pangulo upang maging “unli” ang termino ni Xi Jinping. Abangan na lang natin kung makabubuti sa dambuhalang China ang walang takdang termino ng kanilang Pangulo.