BILANG bahagi ng kanilang programa na sumusuporta sa lokal na film festivals, nakikiisa ang Film Development Council of the Philippines sa Solar Entertainment Corporation sa Sinag Maynila 2018 na magpapalabas ng mga pelikula sa Cine Lokal simula bukas, Marso 9 at magdadaos ng FDCP Film Talks sa Sinag Maynila.
Bigating mga pelikula ang kasali ngayon sa Sinag Maynila tulad ng Abonimation ni Direk Yam Laranas, Bomba ni Direk Ralston Jover, El Peste ni Direk Richard Somes, Melodrama/Random/Melbourne! ni Direk Matthew Victor Pastor at Tale of the Lost Boys ni Direk Joselito Altarejos.
“Cine Lokal aims to be a venue for quality films to be made available to Filipino audience and by supporting Sinag Maynila, these creative and meaningful films will have a home and will be watched by not just film enthusiasts, but the general public,” pahayag ni FDCP Chairperson and CEO Liza Diño.
Higit pa rito, itatampok ng Sinag Maynila ang FDCP Film Talks @ Sinag Maynila sa Marso 10, 2018 sa SM North Edsa Cinema 3 na magsisimula ng ala una ng hapon. Libreng forum ito para sa mga diskusyon kung paano maitatampok ang inyong pelikula sa international film festivals at mai-distribute sa ibang bansa.
Maaaring mag-pre-register ang mga nais dumalo. Mag-email lamang ng inyong pangalan at contact number sa [email protected] para makapagrehistro. Magbubukas ang SM North Edsa Cinema 3 ng 12:30 ng hapon.
Ang panel ay binubuo nina Jeremy Segay, Korea and South East Asia Representative ng Unifrance, Takeo Hisamatsu, Festival Director ng Tokyo International Film Festival at ang kinikilala sa buong mundo dahil sa kanyang mga pelikula, at co founder ng Sinag Maynila na si Brillante Mendoza.
Ang pakikipag-ugnayan ng FDCP sa film festivals katulad ng Sinag Maynila ay bahagi ng ikasandaang selebrasyon ng Pelikulang Pilipino.
“This year and next year will be focused a on celebrating this milestone. We believe that this is the time to come together to commemorate this legacy, learn from our film history, and also look forward to the next hundred years,” sabi pa ni Chairperson Diño.
Huwag palampasin ang mga pelikula ng Sinag Maynila sa lahat ng sinehan ng Cine Lokal sa Metro Manila ngayong Marso 9-15.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lang ang Cine Lokal facebook at iba pang FDCP social media accounts.