Ni Bert de Guzman

NAGBIBIRO lang kaya uli si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) nang ihayag niya na “co-owner” ng Pilipinas ang China sa West Philippine Sea (WPS)? Sabi nga ni ex-Paranaque Rep. Roilo Golez na dati ring National Security Adviser, kailangang liwanagin ni PRRD o ng kanyang advisers ang “ownership statements” nito.

Ayon kay Golez, makaaapekto ang ganitong pahayag ni Mano Digong sa legal position at magagamit pa ng China sa kanilang pag-claim sa WPS dahil kinikilala natin ang pagiging co-owner nito. Sana, ayon kay Golez, ay mis-quoted lang ang Pangulo. Binigyang-diin ni Cong. Roy na maliwanag ang desisyon ng Arbitral Tribunal sa Netherlands noong 2016 na “not a single square inch in the West Philippine Sea is owned by China.”

Si Golez na founder ng “Di Ka Pasisiil Movement” at matapang na sumasalungat sa panghihimasok at pag-okupa ng China sa mga reef at shoal na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ), ay nagsabing ang international tribunal ruling pabor sa Pilipinas ay naging bahagi na ng international law na dapat igalang at sundin. Hindi naman tayo makikipaggiyera sa China, gaya ng pangamba ni PRRD.

Mas matindi ang pahayag ni Bayan Muna Rep. Carlos Zaratge tungkol sa isyung ito. Ito raw ay katumbas ng “sellout” o pagbebenta sa Pinas ng Duterte administration. “Hindi lang ito isang sellout kundi total surrender ng ating national patrimony sa mga Chinese.”

Binabalewala raw ni PDu30 ang tagumpay ng Pilipinas sa International Tribunal on the Law of the Sea sa Hague, The Netherlands kontra China. Pinaghirapan ito ng gobyerno para maihain sa Arbitral Tribunal , at nang manalo ay parang hindi iniintindi o pinahahalagahan ng Pangulo.

Sa panig ni Rep. Antonio Tinio ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), ang pahayag ni PRRD sa co-ownership ay nagpapahiwatig na handa ang Pangulo na ipamigay ang ating national patrimony sa WPS, at itapon na lamang ang paborableng desisyon ng international court sa basurahan.

Mukhang si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang ika-2 Punong Mahistrado na sasailalim sa impeachment trial ng Senado. Ang una ay si ex-SC Chief Justice Renato Corona na dahil umano sa tulong ni ex-Pres. Noynoy Aquino at ng DAP, ay na-convict ng Senado at napatalsik sa puwesto. Si Corona ay yumaong malungkot dala marahil ng sinapit na kapalaran.

Sana ay hindi sapitin ni Sereno ang sinapit ni Corona. Humingi siya ng apology sa 13 SC justices tungkol sa kanyang pagbabakasyon. Ayon sa 13 mahistrado, ang usapan nila ni Sereno ay “indefinite leave” ang kanyang gagawin at hindi isang “wellness leave.”

Hintayin na lang natin ang susunod na pangyayari. Tanong: “Bakit ang malimit banggain ng Duterte admin ay kababaihan, tulad nina Sen. Leila de Lima, CJ Sereno, Ombudsman Conchita Carpio-Morales, Sen. Risa Hontiveros, atbp. Dahil wala bang “balls” ang mga lalaking mambabatas, at kung meron mang “yagbols” ay urong naman? Siyanga pala, kabangga rin ni PRRD si Sen. Antonio Trillanes IV. Hindi urong ang bayag nito.