Ni Fer Taboy
Nasakote ng mga tauhan ng Polomok Municipal Police ang isang terorista na umano’y miyembro ng ISIS-inspired group na Ansar Khilafa Philippines (AKP) sa isang pagsalakay, na ikinaaresto rin ng 20 katao, sa pinagtataguan nito sa South Cotabato.
Sa report ng South Cotabato Police Provincial Office, nakilala ang suspek na si Binja Kalab, kaanib ng AKP, na dati umanong pinamumunuan ng napaslang na Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas “Marwan”.
Tinukoy ng pulisya na isang “one time big time” ang isinagawa nilang operasyon dahil na rin sa pagkakahuli ni Kalab.
Si Kalab, kasama ang 20 pang naarestong suspek, ay isinasangkot din sa pagpatay sa deputy commander ng Polomok Police noong 2017.