Ni Nonoy E. Lacson

ZAMBOANGA CITY - Limang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang sumuko sa militar sa Sulu, nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) spokesman Army Capt. Jo-Ann Petinglay, ang mga sumukong bandido na sina Raddoh Jamah at Saddam Hussein, ng Talipao; Okim Jikiri at Abdulsali Abda Abdulkarim, ng Omar; at Ronnie Jamaari, alyas “Apo Eting”, 50, ng bayan ng Maimbung.

Ang unang apat ay sumuko sa 2nd Special Forces Battalion ng Joint Task Force Sulu, dakong 8:30 ng umaga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nilinaw ni Capt. Petinglay na isinuko rin ng apat ang kanilang mga armas, kabilang na ang isang M16 rifle, dalawang Garand rifle, at isang .45 caliber Colt pistol.

Kasalukuyan silang nakakulong sa 2nd Special Forces Battalion (SFBn) Headquarters sa Sitio Bayug, Barangay Samak sa Talipao, at dadalhin sa headquarters ng JTF Sulu sa Bgy. Bus-Bus sa Jolo, para sa kanilang medical test at custodial debriefing.

Nagboluntaryo namang magbalik-loob sa pamahalaan si Jamaari dahil na rin sa pressure sa kanya ng JTF sa Bgy. Niangkaan, Omar, Sulu nitong Sabado.

Ayon sa militar, isinuko ni Jamaari—na nagbabantay ng arms caché na may apat na M16 rifle at apat na M14 rifle na una nang narekober—ang kanyang M1 Garand rifle na may pitong bala.