Ni Celo Lagmay
MAKARAAN ang mahigit na tatlong dekada simula nang sumiklab ang People Power Revolution sa EDSA, kabilang ako sa 78 porsiyento ng sambayanan na hindi nakadadama ng tunay na diwa ng tinaguriang “bloodless revolution”. Mula noon hanggang ngayon, hindi ko pa nasasaksihan ang tunay na kahulugan ng pagkakaisa, pagkakapantay-pantay sa katarungan at pagsulong ng kabuhayan para sa kapakanan ng taumbayan, lalo na ng ating mga kababayan na nakalugmok sa pagkaralita.
Taliwas ito sa mga paninindigan na isinisigaw tuwing ginugunita ang sinasabing makasaysayang eksena sa ating bansa.
Maliban marahil sa unang selebrasyon ng People Power, na tinampukan ng paglalarawan ng panunumbalik ng demokrasya—matapos na ito ay kitilin noong panahon ng diktadurya—hindi ko na nasaksihan ang makatotohanang pagdiriwang ng naturang okasyon.
Ang naturang paggunita ay naging madiwa at makahulugan dahil sa pagdalo ng mismong tinaguriang mga bayani ng EDSA revolution—sina dating Defense Secretary Juan Ponce Enrile, dating Pangulong Fidel Ramos, Senador Gringo Honasan, at iba pa.
Nais kong maniwala na ang sumunod na mga paggunita sa nasabing “digmaan” ay nabahiran ng mga pagkukunwari, makasariling pananaw at pagkakawatak-watak ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Lalong naging mailap ang hinahangad nating mga pagbabago.
Sa bahaging ito, nais kong isingit ang isang mapanganib na karanasan nang kami ay mistulang tumakas sa Malacañang nang ito ay pinahahagingan ng mga putok mula sa lumiligid na helicopter. Bilang isa sa mga reporter ng pribadong peryodiko na nakatalaga sa naturang tanggapan, kami ay kinakailangang mangalap ng mga ulat, lalo na nga nang maganap ang pagpapatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng EDSA revolution. Ang iba pang pangyayari ay bahagi na lamang ng aking pagiging mamamahayag.
Noong unang administrasyon, halimbawa, hindi natin malilimutan ang nakakikilabot na masaker ng ating mga magsasaka sa makasaysayang Mendiola. Ang sumunod na pangasiwaan ay hindi kinakitaan ng pagkakaisa dahil sa talamak na katiwalian na naging dahilan ng pagkakakulong ng ilang matataas na opisyal ng gobyerno. Bukod pa rito ang sunud-sunod na impeachment case laban sa Pangulo, Chief Justices, Ombudsman at iba pa.
Sa pag-iral ng magkakasalungat na paninindigan, pagkakaiba ng mga ideolohiya at iba pang isyu, lalong nagiging mailap ang pagkakaisa; maghahari ang pagkakawatak-watak sa kabila ng ipinangangalandakang People Power revolution.