Ni Celo Lagmay
TULAD ng dapat mangyari, halos natitiyak na ngayon ang muling pagpapatupad ng mandatory ROTC (Reserve Officers Training Corps) sa lahat ng kolehiyo at unibersidad sa bansa. Mismong si Pangulong Duterte ang paulit-ulit na nagpapahiwatig ng sapilitang implementasyon ng naturang military training. Naniniwala ako na ang kanyang paninindigan – tulad ng paniniwala ng marami sa atin – ay nakaangkla sa kahalagahan ng ROTC sa pagkikintal ng disiplina at pagkamakabayan sa ating mga kabataan.
Ang sapilitang pagsusulong ng ROTC ay magugunitang ipinatigil sa mga dalubhasaan at pamantasan at ito ay ginawang optional o boluntaryo na lamang noong 2002. Sa halip, ipinatupad bilang mistulang kapalit nito ang pinagtibay na National Service Training Program. Naging bahagi nito ang Civic Welfare Training Service (CWTS) at ang Literacy Training Service (LTS) na umiiral ngayon.
Mistulang binura sa school curriculum ang ROTC sa paniwalang marahil ito ay nakulapulan ng mga katiwalian at lisyang pamamalakad ng ilang Department of Military Science and Tactics (DMST). Hindi natin malilimutan, halimbawa, ang pagpaslang kay Mark Wilson Chua – ang kadete ng University of Santo Tomas (UST) na nagbunyag ng sinasabing mga alingasngas na may kaugnayan sa ROTC. Ang iba pang pangyayari ay bahagi na lamang ng kasaysayan hinggil sa panlulupaypay ng naturang military training sa mga kolehiyo at unibersidad.
Sa kabila nito, hindi nagbabago ang aking paniniwala na ang ROTC ay isang epektibong kurso na magiging bahagi ng mga pagsisikap tungo sa kaunlaran at katahimikan. Katunayan, itinatadhana sa Konstitusyon na tungkulin nating tumugon sa panawagan ng gobyerno na ipagtanggol ang estado sa pamamagitan ng pagkakaloob natin ng ‘personal, military o civil service’. Magagawa natin ito sa kabila ng katotohanan na ang marami sa atin ay may ranggong ‘private’ lamang bilang mga military reservists.
Sa muling pagpapatupad ng mandatory ROTC, marapat lamang ang epektibong implementasyon nito. Sa gayon, maiiwasan ang paglabag sa karapatan ng mga estudyante, malilipol ang katiwalian at iba pang hindi kanais-nais na pamamalakad.
Bukod dito, ang mga ROTC graduates ay magiging makabuluhang kaagapay sa pagsaklolo laban sa kriminalidad at talamak na illegal drugs. Higit sa lahat, natitiyak ko na sa pamamagitan ng makatuturang pamamatnubay, sila ang magiging huwaran sa disiplina at pagkamakabayan.