Ni LYKA MANALO
ANG bayan ng Angono sa lalawigan ng Rizal ay kinikilala bilang Art Capital of the Philippines kaya sa pagdiriwang ng Art Month ngayong Pebrero, iba’t ibang programa ang inilunsad dito katuwang ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Masasaksihan ang mga obra ng visual artists mula sa iba’t ibang rehiyon sa ‘The Edge and Proximity Exhibit’ sa Angkla Gallery sa Angono hanggang Pebrero 28. Kabilang sa itinatampok sa exhibit ang mga likha nina Ismael Esber, Victor Puruganan, Ovidio Espiritu, Kevin Sabino, Aaron Bautista, Madoline dela Rosa, Lyra Brenyl, Reynaldo dela Peña, Meong Pid, Manny Bunog, Erni Salmon Grande, Jesse Hands Esplana, Shalom Sabino, Edwin Ancheta, Engelbert Alvarado at Enrico Boyet Cuare.
Tampok din sa selebrasyon ang paggunita sa dalawang National Artists mula sa Angono na sina Carlos ‘Botong’ Francisco at si Lucio San Pedro.
Ayon kay Angono Tourism Officer Bernard Laca Jr., kasama sa programa ang selebrasyon sa ika-105 kaarawan ni San Pedro at muling pinatugtog ang kanyang mga komposisyon tulad ng sikat na Sa Ugoy ng Duyan.
Makikita naman ang mga likha ni Botong na ginawang street mural sa kalye ng Doña Aurora sa Poblacion na kinaroroonan ng lumang bahay ng pintor na isa nang museo ng kanyang mga obra at mga personal na kagamitan sa kanyang pagpipinta.
Sa isang sulok ng museo ay ang art studio ni Carlos Francisco II, apo ni Botong isa na ring pintor.
Masisilayan ang umaabot sa 120 obra ni Botong sa nasabing kalye kabilang ang ‘Martyrdom of Rizal’.
May malaki ring museo sa Angono ang pamilya ng mga Blanco at dito masisilayan ang mga likha ni Jose ‘Pitok’ Blanco, ng kanyang asawa na si Loring at ng kanilang pitong anak – mula mula sa murang edad hanggang sa paglaki.
Bahagi rin ng pagdiriwang ang mga libreng training para sa mga interesadong estudyante tulad ng workshops sa arts, sayaw, mobile photography at creative writing.
Samantala, sa Angono rin inilunsad ng NCCA ang malawakang information campaign ng ahensiya sa iba’t ibang rehiyon sa bansa sa pakikipagtulungan ng Philippine Information Agency (PIA).
Tinipon sa nasabing bayan ang mga lokal na mamamahayag sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) upang saksihan ang kick-off ceremony nasabing programa ng NCCA sa ilalim ng isang Memorandum of Agreement (MOA) katuwang ang PIA.
Ayon kay NCAA Public Affairs and Information Head Rene Napeñas, nakatakda silang pumunta sa iba’t ibang probinsiya upang palaganapin ang pagyakap ng mga Pinoy sa kultura at sining.
Ibinahagi rin niya ang inaasam na pag-apruba sa Senado sa isinusulong ni Senator Loren Legarda na maging departamento o Department for Arts and Culture ang NCCA.
Napapanahon na umanong palawakin ang ahensiya na sa kasalukuyan ay 30 lamang ang empleyado.
“There is a need (into department) because we cannot stand and live with only 30 employees supported by 250 plus non-plantilla personnel , we don’t have regional offices,” pahayag ni Napeñas.
Marami umanong isyu sa komisyon na dapat bigyang pansin tulad ng usapin tungkol sa heritage, mga lumang gusali o simbahan na ginigiba na walang kaukulang permiso mula sa NCCA, at iba pa.
Dapat palaganapin ang kultura at sining dahil ito ang kaluluwa ng bansa, sabi pa niya.
[gallery ids="287952,287953,287955,287956,287957,287962,287961,287960,287959,287958,287963,287964,287965,287966,287967"]