Ni Joseph Jubelag

GENERAL SANTOS CITY - Ibinunyag ng militar na isang bokal mula sa South Cotabato ang sumusuporta sa New People’s Army (NPA), batay sa mga ebidensyang isiniwalat ng ilang rebelde na una nang sumuko sa mga awtoridad.

Inakusahan ni Lt. Col. Harold Cabunoc, 33rd Infantry Battalion commander, si South Cotabato Board Member Romulo Solivio bilang tagasuporta ng NPA na umano’y ginagamit ang kanyang posisyon upang pakilusin ang Indigenous People (IP) sectoral na suportahan ang organizational machinery ng NPA sa liblib na barangay sa Lake Sebu, South Cotabato.

Inihayag ni Cabunoc na si Solivio, kasama ang kanyang mga tauhan, ay gumagamit umano ng mga behikulo at iba pang kagamitan ng pamahalaang panlalawigan sa pag-oorganisa at pagpapakilos sa Kilusang Revolutionary Barangay, na binubuo ng organisasyon ng IP, at nagsisilbing front ng NPA sa pagtataguyod ng pailalim na gobyerno sa Barangay Ned sa Lake Sebu.

Probinsya

9-anyos na bata, patay matapos makuryente ng tinatayang 20 minuto

Aniya, batay sa impormasyon na ibinigay ng mga sumukong rebelde, si Solivio umano ang nasa likod ng organisasyong KALUAHAMIN, na binubuo ng samahan ng mga tribo sa Mindanao, na nagsisilbi umanong legal front ng NPA sa pagre-recruit ng mga miyembro mula sa mga tribo.

Isiniwalat din ng militar na si Samuel Dalimbang, chairperson ng ALUAHAMIN, ay nagtatrabaho umano sa ilalim ng pamamahala ni Solivio.

Samantala, hiniling ni South Cotabato Gov. Daisy Fuentes sa militar na magkasa ng kasong kriminal laban kay Solivio, sa oras na makakalap ng sapat na ebidensiyang magdidiin sa bokal, at magpapatunay na ito ay direktang sangkot sa NPA.