Ni EDWIN ROLLON

Joey Romasanta
Joey Romasanta
PINABULAANAN ni Philippine Olympic Committee (POC) vice president Jose 'Joey' Romasanta ang naipahayag ni Go Teng Kok na nakipagkutsabahan siya sa kontrobresyal na secretary-general ng Philippine Karate-do Federation na si Raymond Lee Reyes para mapatalsik si GTK sa pagkapangulo ng PKF.

“Hindi totoo ‘yan. Walang ganyan naganap para maalis sa puwesto si Go Teng Kok bilang pangulo ng PKF,” pahayag ni Romasanta sa pakikipag-usap sa Balita.

Ayon kay Romasanta, pangulo ngayon ng PKF, maayos ang naging transition nang kanyang pagluklok sa puwesto matapos magdesisyon si GTK na ituon ang pansin sa pagkapangulo sa Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa).

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Binitiwan din ni GTK ang Patafa upang makaiwas ang asosasyon sa anumang kontrobersya matapos ang alitan nila ni POC President Jose ‘Peping’ Cojuangco na nauwi sa pagdeklara sa kanya bilang ‘persona non grata’ sa Olympic body.

Naninindigan si GTK na kabilang si Romasanta sa mga bumoto laban sa kanya.

“Kung anuman ang naging problema ni Raymond (Lee Reyes), sa PKF personal na niya ‘yan at ang isyu ay pinaiimbestigahan na rin namin,” sambit ni Romasanta.

Anim sa 12-miyembro ng National karate-do team na nagsanay sa Germany bago ang SEA Games sa Malaysia nitong Agosto ang nagsumite ng kanilang nilagdaang salaysay kay Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez kung saan pinatunayan nilang Euro 480 lamang ang ibinigay ni Reyes sa kanila bilang allowances. Sa record ng PSC, isinumite ni Reyes na US$1,600 na siyang aprubado ng PSC ang natanggap ng mga atleta.

Kasalukuyan nang inihahanda ng PSC, sa tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso laban kay Reyes at iba pang opisyal na may kinalaman sa isyu.

Sa panayam kay Go, iginiit niyang matagal na umanong itong gawain ni Reyes sa mga atleta ay handa umano niya itong sibakin noon, ngunit hindi natuloy matapos maalis bilang PKF president dahil sa pagkampi rito ni Romasanta.