KAPAG ganitong araw noong unang panahon, makikita sa mga kalsada sa paligid ng Casino Español sa Ermita, Maynila ang tatlong lalaki na sakay sa kabayo at nakabihis ng kasuotan ng mga sinaunang hari sa Silangan kaugnay ng paggunita sa Feast of Epiphany, o ang Kapistahan ng Tatlong Hari.
Dati ay ipinagdiriwang natin ang okasyong ito tuwing Enero 6, hanggang sa baguhin ng Vatican Council II ang petsa at ginawang unang Linggo ng Bagong Taon. Kaya naman ang relihiyoso at mahaba nating pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas, na opisyal na nagsimula noong unang Linggo ng Adbiyento nitong Nobyembre, ay magtatapos na ngayong Kapistahan ng Tatlong Hari.
Sa Kanluraning Kristiyanismo, binibigyang-diin ng Kapistahan ng Tatlong Hari ang pagbisita ng tatlong haring Mago mula sa Silangan. Sila ay hindi mga Hudyo at nagmula pa sa silangan ng Banal na Lupain, kaya naman ang pagtungo nila sa Bethlehem, sa gabay ng isang maningning na bituin, ay pinaniwalaan nila bilang “revelation to the Gentiles”. Ito rin ang paniniwala ng mga Kristiyanong Pilipino sa pagdiriwang ng okasyong ito bilang pagpapatotoo ni Hesus, hindi lamang sa mga kapwa niya Hudyo, kundi sa sangkatauhan sa daigdig.
Nag-alay ang Tatlong Hari ng ginto, insenso, at mira para sa sanggol na si Hesus. Ang tradisyon ng pagreregalo tuwing Pasko ay pinasimulan ng tatlong unang naghandog kay Kristo. Nagmula pa sila sa napakalayong lugar; at ang selebrasyon ngayong araw ay humihimok ng pakikipagkaisa sa mamamayan ng mga lupaing ito na nasa sentro ng gawaing misyonero ng Kristiyanismo.
Ang Pasko ang pinakapaboritong tradisyon sa Pilipinas at maraming Pilipino ang nagdiriwang nito kahit sa unang araw pa lamang ng Setyembre, na sinisimulan nang patugtugin sa mga radyo ang mga awiting Pamasko. Gumigising nang madaling araw ang mga Pinoy upang dumalo sa siyam na araw na Simbang Gabi bago ang Pasko. Kapwa nagdeklara ng tigil-putukan ang tropa ng gobyerno at mga rebeldeng Komunista upang pareho nilang maipagdiwang nang maaliwalas ang araw ng kapayapaan.
Opisyal nang nagtapos ang Pasko ngayong araw, ang Kapistahan ng Tatlong Hari. Balik na naman tayo sa pagharap at pagdedebate sa mga problemang kinahaharap ng bansa, gaya ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pasahe dahil sa bagong batas sa reporma sa buwis; mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad; posibleng suspensiyon ng halalan sa pagbubuo ngayon ng bagong Konstitusyon; pagpapanumbalik ng kampanya kontra sa ilegal na droga sa bansa; at pagsubaybay sa palitan ng banta ng digmaang nukleyar ng Amerika at North Korea.
Subalit gaya nga ng kasabihan, walang katapusan ang pag-asam ng tao para sa pinakamabuti. Sinisimulan natin ang bagong taon nang may pag-asang mananaig ang kapayapaan at kabutihang loob. At kahit ngayon pa lang ay sisimulan na nating panabikan at paghandaan ang susunod na Pasko.