UMEKSENA sa mga balita ang coal sa nakalipas na mga araw, dito sa atin at maging sa ibayong dagat.
Sa Paris, France noong nakaraang linggo, 80 sa mga pangunahing ekonomiya sa mundo ang nanawagan na wakasan na ang pagdedebelop ng enerhiya mula sa karbon, langis at gas upang maiwasang mapalubha nito ang global warming. Nagpalabas sila ng pahayag bago idaos ang One Planet Summit na inilunsad kahapon sa Paris, kung saan 100 bansa ang may kinatawan at mahigit sa 50 pinuno ng mga bansa ang dumalo.
Pinuri ng mga ekonomista ang mga pinunong pulitikal sa mundo, kabilang si French President Emmanuel Macron na nag-organisa ng One Planet Summit, para sa higit pang paglikha at paggamit ng renewable energy tulad ng nagmula sa hangin at sikat ng araw. Subalit dapat na aksiyunan din ang iba pang usapin, ang iba pang panig ng isyu, ayon sa mga ekonomista. Kailangang kumilos upang matuldukan na ang patuloy na pamumuhunan sa bagong karbon at sa iba pang produksiyon at imprastruktura ng fossil fuel. Marapat na itigil na ang mga subsidiya ng gobyerno sa maraming bansa — na umabot sa $333 billion noong 2015—para sa produksiyon at imprastruktura ng fossil energy.
Ang Pilipinas, na kabilang sa 195 bansang lumagda sa 2016 Paris Agreement on Climate Change, ay tuluy-tuloy na lumilikha ng renewable sources ng enerhiya, partikular na ang geothermal, hangin, sikat ng araw, at biomass. Sa ngayon, tayo ang ikalawang pinakamalaking lumilikha ng geothermal energy sa mundo, kasunod ng Amerika. Tagumpay nang lumilikha ng kuryente ang mga wind farm sa Northern Luzon at sa iba pang panig ng bansa. Maraming open space, kabilang na ang mga bubungan ng mga shopping mall sa Metro Manila, ang ikino-convert na rin bilang mga solar farm.
Subalit ang karbon pa rin ang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya sa Pilipinas dahil ito ang pinakamatipid, bagamat iginigiit ng mga nagsusulong ng solar farm na ang enerhiyang mula sa sikat ng araw ang tanging karibal ng karbon kung halaga ng produksiyon ang pag-uusapan. Isinusulong ngayon na dagdagan ang buwis sa karbon, alinsunod sa programang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) ng gobyerno. Inaprubahan ng Senado ang panukalang 2,900 porsiyentong pagtaas sa coal taxes, subalit tutol dito ang Kamara de Representantes dahil mga consumer din umano ang mapupuruhan dito.
Pangunahing kailangan ngayon sa mundo ng enerhiya ay ang magkaroon ng balanse sa pagitan ng coal at renewable energies. Ang katotohanan, karamihan sa pangangailangan natin sa kuryente sa Pilipinas sa ngayon ay isinu-supply ng mga coal plant. Kakailanganin pa rin ang mga ito ng ating mga industriya at kabahayan sa mga susunod na taon. Ito ang dahilan kaya kontra ang Kamara sa pagtatatas ng excise tax sa karbon, na inaprubahan ng Senado.
Subalit kung sisipatin nang pangmatagalan, kailangan nang gumamit ang mundo — kabilang ang Pilipinas — ng renewable sources ng enerhiya dahil sa climate change. Ang planta ng karbon at fossil fuel sa daigdig ay nagbubuga sa hangin ng mga gas na nagdudulot ng polusyon, at tuluy-tuloy na nagpapataas sa pandaigdigang temperatura. Dahil dito, natunaw ang polar ice ng planeta, tumaas ang karagatan na nagbabantang lamunin ang mga isla, at nagbunsod ng mas malalakas na bagyo.
Nakatuon ngayon sa Paris conference na layuning masumpungan ang mga konkretong paraan upang maisakatuparan ang mga pinuntirya ng kumperensiya noong 2016. Dapat na patuloy nating pagsikapang mag-ambag ng sarili nating kontribusyon sa napakaimportanteng layunin na ito.