Ni: Bert de Guzman

KUNG buhay si Andres Bonifacio ngayon, nasisiguro kong ihahasa niya ang kanyang itak/gulok/tabak para tigpasin ang mga ulo ng lapastangang ‘Extrajudicial Killers’ o EJKers na pawang mga pulis at vigilantes na ang itinutumba ay mahihirap na drug pushers at users dahil NANLABAN daw.

Ipinagdiriwang ng bansa ngayon ang ika154 kaarawan ni Mang Andres, na kung tawagin ay “Supremo”, “Ama ng Rebolusyong Pilipino”, “Dakilang Manggagawa” o The Great Plebian. Natitiyak kong tatagain din niya ang mga mambabatas na nagpapakitang disente at kagalang-galang subalit sa totoo lang, mga mandarambong sa pera ng bayan, babaero at nagmimistulang AMO ng taumbayan matapos mahalal at makuha ang boto ng mga tao.

Kakaiba marahil sa mga kabataang Pilipino ngayon na nakapusod, tadtad ng tattoo ang katawan, at may hikaw ang tenga ng kalalakihan habang nakashort-short manong ang kababaihan at bakat na bakat ang mga pisngi ng kalangitan, si Andres Bonifacio, sa edad na 29, ay kasamang nagtatag sa Katipunan na ang layunin ay makamit ang kalayaan mula sa kamay ng mga dayuhan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Isa siyang rebolusyonaryong mahirap na nagsikap basahin ang mahuhusay na aklat sa mundo, tulad ng Les Miserables ni Victor Hugo, Lives of the Presidents of the United States, History of the French Revolution, La Solidaridad, Noli Me Tangere , El Filibusterismo at Sucesos de las Islas Filipinas ni Morga. Tinangka niyang sagipin at iligtas si Dr. Jose Rizal mula sa kulungan pero tumanggi ang bayani sa paniniwalang hindi pa hinog ang panahon para mag-alsa laban sa Espanya.

Lagi nang sinasabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na siya ay magbibitiw sa puwesto kapag hindi niya nalutas ang illegal drugs sa bansa. Hindi ba noong kampanya, bumilib ang mga Pinoy nang ipangako niya na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan at hindi niya nasugpo ang ilegal na droga, bababa siya sa puwesto at ibibigay ang panguluhan sa kanyang bise presidente. Natupad ba? Hindi.

Ngayon, may pangako na naman siyang basta nagkaroon ng bagong konstitusyon na gusto niya, siya ay bababa sa Malacañang. Sinabi rin niya na aalis siya sa puwesto kapag naitatag ang pederalismo. Sa kasalukuyan, isinusulong niya ang pagpapatibay ng Bangsamoro Basic Law o BBL at nais magdaos ng special session ang Kongreso upang ito’y talakayin at aprubahan. Gayunman, malamig ang tugon sa special session ng mga senador.

Napupuna ng taumbayan na kaya malakas ang loob at matatapang ang mga pulis sa pagbaril at pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users ay bunsod ng paulit-ulit na pahayag ni PRRD na hindi siya papayag na makulong ang sino mang pulis o kawal na tumutupad sa tungkulin. Tama, kapuri-puri ito. Pero, Mr. President, lagi nang katwiran ng mga pulis ay NANLABAN ang tulak at adik kaya nila binaril. Eh, sino ang makakokontra rito eh, takot sila?

Inuulit natin: 100 percent ang suporta ng mga Pinoy sa drug war ni PDU30 subalit ang ayaw nila ay ang “extrajudicial killings” at human rights violations. Bakit daw ang napapatay lang ay mga pobreng pushers at users at kokonti lang o halos walang napapatay na drug lords, shabu smugglers at bigtime suppliers? Ulitin natin: Kung walang shabu supplies, walang maibebenta sa mga lansangan!