TAMPOK na muli sa mga balita ang kasong impeachment laban kay Suprema Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno matapos ang isang-linggong ASEAN Summit. Sa pagbabalik ng sesyon sa Kamara de Representantes nitong Nobyembre 20 ay kaagad na nag-convene ang House Committee on Justice at naging kontrobersiyal sa mga naging pahayag nito sa publiko, gayundin sa mga naging desisyon nito.
Sa puntong ito ng deliberasyon, dapat nating bigyang-diin ang pangangailangang maging tapat sa Konstitusyon, sa mga prosesong inilalatag nito, at sa pagsasarili ng bawat isa sa mga sangay ng gobyerno. Walang dudang maayos na gumagana ang ating demokrasya kapag mahusay na nakatutupad sa kani-kanilang tungkulin ang Ehekutibo, ang Lehislatibo, at ang Hudikatura, nang walang balakid o hadlang sa pagsasakatuparan ng kani-kanilang proseso.
Sa nakalipas na mga linggo, maraming naging hakbangin at komento kaugnay ng kasong impeachment laban kay Chief Justice Sereno. Nanawagan ang mga opisyal ng Ehekutibo na magbitiw na lang siya sa tungkulin — “to spare the institution from further damage” — na kaagad namang tinanggihan ng kanyang panig. Makaraang tanggihan ng House Committee ang hiling ng kanyang mga abogado na magsagawa ng cross-examination sa mga testigo laban sa kanya, sinabi ng kanyang mga abogado na pinag-iisipan nilang idulog ang usapin sa Korte Suprema. “We demand fair treatment,” giit nila.
Malinaw na nakalahad ang proseso ng impeachment sa Konstitusyon. Ang isang reklamo ay dapat na “be on one or more” ng mga pagkakasalang impeachable alinsunod sa Article XI, Accountability of Public Officers, ng Konstitusyon, at ang mga kaso ay dapat na personal na nalalaman ng nagrereklamo. Idiniretso ng Kamara ang reklamo laban kay Sereno sa Committee on Justice, na inaprubahan naman nito sa pagiging “sufficient in form and in substance”. Pagbobotohan naman ngayon kung may probable cause ang nasabing reklamo. Sakaling maisagawa na ang ikatlong pagpapasyang ito, ipadadala na ng Kamara ang reklamo nito sa Senado na magsisilbing hukuman at lilitis sa kaso.
Ito ang prosesong dapat na masunod. Ito ang prosesong nakasaad sa Konstitusyon, at bahagi ng ating demokrasya. Bahagi ito ng sistema ng pagsusuri at pagbabalanse sa ating pamahalaan.
May pagkakataon sa ating kasaysayan na sinuspinde ang ating mga demokratikong proseso, subalit naibalik na ito.
Mayroon tayong kumpiyansang sangay ng Ehekutibo na may sapat na kapangyarihang administratibo upang mangasiwa sa pamahalaan. Mayroon tayong nagsasariling Lehislatura na malayang magpatibay ng mga batas. Mayroon tayong Hudikatura na buong giting na nagpoprotekta sa mga karapatan at pasya nito sa pagpapatupad ng ating mga batas. Sa tatlong sangay na ito ng pamahalaan, dapat marahil nating idagdag na mayroon tayong malayang pamamahayag, ang Fourth Estate, na walang anumang kapangyarihan ng gobyerno subalit malayang sumubaybay at mag-ulat sa mga ginagawa at desisyon ng pamahalaan, para sa kapakanan ng mamamayan.
Sakaling mayroong sapat na bilang ang Kamara, hindi na mapipigilan ang anumang hakbangin sa kaso ng impeachment kay Sereno. Idiretso na dapat nito ang reklamo sa Senado para sa paglilitis. Sakaling walang basehan ang mga kaso, dapat na manaig ang ating sistemang demokratiko laban sa mga pinapanigang pulitika.