Ni: LYKA MANALO
ANG ‘kunst’ ay salitang Aleman o German na ang ibig sabihin ay ‘art’ ngunit para sa Batangueñong si Virgilio Cuizon, isang curator at art critic na nakabase sa Germany, ang kahulugan nito ay Kapatiran at Ugnayan ng Natatanging Sining at Talento (KUNST).
Itinatag ni Cuizon ang KUNST upang makatulong sa paghubog sa talento ng Filipino visual artists at tinutulungang makasali sa mga painting exhibit na inoorganisa niya rito at sa ibang bansa, na kadalasan ay isinasagawa sa museums at galleries sa Europa.
Sa kanilang tahanan sa Sta. Rita, Batangas City matatagpuan ang mga obra ng mga miyembro ng KUNST at naka-display ang kanilang mga canvass na tinawag na Kunsthaus.
Sa Kunsthaus din isinasagawa ang art workshops at seminars para sa mga baguhang artist na nagnanais pumailanlang sa larangan ng sining.
“Ang KUNST ay para hubugin na gumaling ‘yung mga artists at tulungan silang makapag-exhibit abroad, gusto kong baguhin ang isipan ng mga tao at patunayang hindi nagugutom ang mga artists,” pahayag ni Cuizon.
Sa 15 taong pagkakatatag ng KUNST, marami nang mga pintor na sumikat sa tulong ni Cuizon kasabay ng pag-unlad ng kanilang pamumuhay. Dahil din sa pagpapakilala ng sining at kultura ng mga Pilipino sa Europa, tumanggap si Cuizon ng Banaag Award 2004 na iginawad ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. May iba’t ibang pagkilala rin sa kanya dahil sa pagtulong niya sa Filipino community sa ibang bansa.
Bagaman pagkakakitaan ang unang layunin, hindi naisasantabi ang pagtulong sa kapwa sa pamamagitan ng charity works at ‘exhibits for a cause’. Sa katunayan, nitong nakaraang Setyembre ay nagsagawa ng exhibit ang grupo ni Cuizon para sa kapakanan ng mga batang naging biktima ng giyera sa Marawi City.
Ang Obra Filipinismo 6th na may temang ‘Para sa Marawi, Tagpi-tagping Kulay ng Pagdamay’ ay ginanap sa Development Academy of the Philippines (DAP) sa Tagaytay City. Sinuportahan ito ng Grupo Sining Batangueño (GSP), Tareptep Baler, Douglas Nierras Power Dance and A Capella Manila.
Itinanghal sa naturang exhibit ang umaabot sa 50 obrang donasyon ng mga artist at ang nalikom na P165,000.00 ay ipinagkaloob sa Gawad Kalinga ng Mindanao. Ang nasabing halaga ay para sa feeding program ng 50 bata sa Marawi sa loob ng 320 days.
“Mahirap kaagad pumunta sa Marawi dahil hindi namin alam kung saan at sino ang pupuntahan namin, basta ang mahalaga, sa kaunting halaga, may maitulong kami,” wika ni Cuizon na nagbabalak ding magtungo sa Marawi kasama ang mga miyembro ng KUNST sa Enero upang magsagawa ng art workshop sa mga batang biktima ng giyera.
“Ipapaguhit namin sa mga bata kung anong nararamdaman kapag naririnig nila ang salitang Marawi at pagkatapos ipapa-deliberate sa kanila para mailabas yung kanilang nararamdaman.”
Aniya, naisagawa na rin nila ang katulad na workshop sa mga anak ng mga mamamahayag na biktima ng Ampatuan massacre.
Nagsasagawa rin ng art workshop, feeding at gift giving ang grupo ni Cuizon na ang pinakahuli ay isinagawa sa SOS Children’s Village sa Lipa City nitong Oktubre. Ang SOS Children ‘s Village ay tahanan ng mga batang walang magulang.
Lakbay Sining
Patuloy na pinalalakas ang pagpapakilala sa kultura at sining sa Batangas.
Katuwang ni Cuizon, bilang chairman ng Batangas Culture and Arts Council-Visual Art Committee, ang GSB na pinamumunuan ng batikang pintor na si Lino Acasio. Isa sa mga proyektong isinusulong ng komite ang Lakbay Sining -- isang linggong painting exhibition ng mga pintor ng GSB na may temang ‘Bayan Mo, Ilakbay Mo’. Una nang nakapaglakbay-sining ang grupo sa mga bayan ng Agoncillo, San Juan, Tanauan at Taal nitong nakaraang Hulyo.
Sa unang araw isinagawa ang workshop at pagtalakay sa ‘art appreciation’ sa mga guro na nagtuturo ng sining at dalawang estudyante ng mga ito.
Bukod sa workshop ay nagkaroon din ng painting competition at iginawad ang unang gantimpala kay Jorge Banawa ng Taal na tumanggap ng P25,000, pangalawa ang obra ni Carlos Alferez ng San Juan (P15K,000) at Teri Buiser ng Bauan (P10,000) na siya ring nakakuha Viewers Choice Award (P10,000).
Kaagapay ng komite ang Province of Batangas Tourism and Cultural Affairs Office (PBTCAO) at ang lokal na pamahalaan sa proyekto na patuloy na isasagawa sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.
[gallery ids="275635,275634,275633"]