Ni NORA CALDERON
MARAMING awards ang napanalunan ni Paolo Ballestoros para sa performance niya sa Die Beautiful, sa international and local award giving bodies, pero mas nahirapan daw siya sa follow-up movie niyang Barbi, D’ Wonder Beki produced by OctoArts Films, M-Zet Films at T-Rex Entertainment.
Dumalo sa grand launch and presscon ng Barbi si Paolo as his Barbi character, kaya ilang oras din ang ginugol niya sa pagmi-make-up sa sarili bago nakaharap sa press. Tinawag na nga siyang millennial Barbi.
May pressure ba sa kanya ang pagganap kay Barbi na unang ginawa ni Joey de Leon? (Tatlong movies ang ginawa noon ni Joey bilang si Barbi na nagustuhan lahat ng mga manonood.)
“Meron pong pressure, kasi po hindi ako makahinga, kasi naiipit ang...” sagot ni Paolo na ikinatawa ng lahat sa presscon. “Kinalakihan ko na po noon ang Barbi ni Tito Joey dahil dalaginding na ako noon, enjoy na enjoy akong panoorin siya, not knowing na darating ang time na gagawin ko rin iyon. Iba nga lang dahil lalaki si Tito Joey noon na nagpapanggap na babae. Ako naman closetang hindi makapag-come out sa family niya na pamilya ng mga pulis.”
Pinangarap ba niya noong pinapanood niya si Barbi na gawin din niya iyon kung mag-artista na siya?
“Hindi po. Gusto ko noong maging Wonder Woman, pero bago si wonder woman, gusto ko munang maging Dyesebel.
“Pero hindi ko akalaing magiging mas mahirap pala ang pagganap ko bilang si Barbi kaysa bilang si Trisha sa Die Beautiful. Doon kasi ganoon na ang character ko, pero dito Barbi, D’ Wonder Beki lagi akong naka-full make-up kaya mas matagal gawin, pati hairdo ko, paiba-iba rin. May mga full length production numbers din ako dahil performer ako sa Sirkus de Ole. Sana po ay suportahan ninyo ang movie namin at patatawanin namin kayo rito ni Direk Tony Y. Reyes.
Opening po namin sa November 29, which is my birthday, kaya birthday gift na po ninyo sa akin ang suporta ninyo.”
Ano naman ang masasabi ni Joey de Leon, ang gumaganap na mentor ni Barbi?
“Tamang-tamang pinili nila si Paolo sa role ni Barbi dahil maganda naman siya talaga at hindi na mahirap na pagandahin siya,” sagot ni Joey. “Ako naman, semi-retired na talaga sa paggawa ng movies, pero basta may movie ang Dabarkads ng Eat Bulaga suporta ako sa kanila, like ng mga susunod pang movies na ipalalabas nila hanggang sa Metro Manila Film Festival. Ganoon naman kami sa Eat Bulaga at talagang proud kami kay Paolo sa mahusay niyang pagganap at sa mga awards na natatanggap niya.”
Kasama rin nina Paolo at Joey sa Barbi, D’ Wonder Beki sina Joey Marquez, Benjie Paras, Smokey Manaloto, Epy Quizon at Ruby Rodriguez. Kasama rin ang loveteam nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix, at sina Ejay Falcon at ang Pantasya ng Asia na si Kim Domingo.