NANAWAGAN si Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na rebisahin ang Automated Election System (AES) ng bansa upang tanging organisasyong pag-aari ng Pilipino ang mapahintulutang magkaloob ng serbisyong panghalalan, gaya ng ibinigay ng Smartmatic sa nakalipas na mga eleksiyon sa Pilipinas.
Aniya, kung nililimitahan ng Konstitusyon ang pagmamay-ari at pangangasiwa sa mass media sa Pilipinas para sa mga 100 porsiyentong kumpanyang Pinoy at nililimitahan ang mga dayuhan sa 40 porsiyentong pagmamay-ari ng mga kumpanyang telecoms at mga eskuwelahan, mas mayroong dahilan upang maipaubaya lamang sa mga pangangasiwa ng mga Pilipino ang eleksiyon sa Pilipinas.
Ang hakbangin ng kongresista ang pinakahuling pagsisikap mula sa iba’t ibang larangan, sa nakalipas na mga taon, upang maiwasto ang mga pagkakamali sa sistema ng automated elections na nagsimula sa paghahalal ng pangulo noong 2010, makaraang mapagtibay ang Election Automation of 2006.
Totoong naisakatuparan ng automated elections ang layuning mapabilis ang canvassing ng mga boto, naglaho ang ilang linggo nang kawalang katiyakan na bumabalot sa bansa habang hinihintay ang opisyal na resulta ng halalan. Subalit nagbunsod ito ng mga panibagong problema. Dahil ang mga computer ay maaaring ma-hack ng mga eksperto, nagkaroon ng mga pagdududa sa ilang resulta ng botohan, kabilang ang paghahalal ng mga senador noong 2013.
Labis na pinaghinalaan ang naging papel ng Smartmatic, na nagkaloob ng mga counting machine na ginamit sa buong bansa. Lumutang ang mga akusasyon ng sabwatan sa pagitan ng Commission on Elections at Smartmatic. Kabilang sa mga usapin sa reklamong impeachment laban kay dating Comelec Chairman Andres Bautista ang napaulat na pagbabayad ng milyun-milyong pisong halaga ng referral fees sa opisyal sa pamamagitan ng isang law firm na nagkataong kabilang ang Smartmatic sa mga kliyente nito.
Hindi partikular na kinukuwestiyon ng panukala ni Congressman Atienza ang record ng Smartmatic sa eleksiyon, kundi ang pagkakabase nito sa London sa United Kingdom, na 100 porsiyentong pagmamay-ari ng mamamayan ng Venezuela. Naniniwala siyang ang pambansang halalan, na nasa sentro ng demokratikong Pilipinas, ay hindi dapat na buksan sa posibleng impluwensiya ng isang dayuhang kumpanya.
Mababanggit din sa usaping ito na sa election protest ni dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laban kay Vice President Leni Robredo, iginiit niyang nagsimulang kumaunti ang bilang ng kanyang mga boto matapos ang walang permisong pagbabago sa script ng Smartmatic at ng ilang opisyal ng Comelec sa Transparency Server upang iwasto ang baybay ng pangalan ng isang kandidato.
Ngayong nagbitiw na sa tungkulin ang Comelec chairman at itatalaga pa lamang ni Pangulong Duterte ang papalit dito, panahon nang pag-aralan ng komisyon ang matagal nang pinagdedebatehan na pakikipagtulungan nito sa Smartmatic, at seryosong ikonsidera ang apela para sa isang kumpanyang pagmamay-ari at kontrolado ng Pilipino na magkakaloob ng serbisyo at kagamitan sa halalan sa Pilipinas.
May ilan ding mungkahi ang maraming kinauukulang sektor, partikular ang National Movement for Free Elections (Namfrel), na isagawa ang manu-manong pagbilang sa mga boto na sasabayan ng automated na paglilipat ng mga resulta ng botohan sa mga canvassing center. Makatutulong ito upang makatiyak ang mga botante na aktuwal na nabilang ang kanilang mga boto at hindi basta na lamang minamadyik ng mga voting machine, na madali lamang i-program.
Mahalagang bukas ang bagong pamunuan ng Comelec sa nasabing panukala at sa maraming iba pa na pawang ang layunin ay matiyak ang tapat na eleksiyon upang matuldukan na ang mga pagdududa na ilang taon nang ipinalulutang. Ang panawagan ni Congressman Atienza para sa 100 porsiyentong Pinoy na teknolohiya at serbisyong panghalalan ay isang malaking hakbangin patungo sa ideyang ito.