Ni: Reggee Bonoan
MAGIGING mortal na ba si Supremo/Gilbert Imperial (Richard Gutierrez) ngayong tumitibok na ang puso niya at palatandaan din ba ito na umiibig siya kay Jacintha Magsaysay (Angel Locsin)?
Nagtataka at nagtatanong ang mga alagad na bampira ni Supremo sa yaya nitong si Barang/Barry (Sharmaine Buencamino) kung ano ang nangyayari sa panginoon nila.
Hindi rin matanggap ni Supremo na namatay na ang kanang kamay niyang si Omar (Aaron Villena) at iba pang kasamahan nito kaya sumumpa na uubusin niya ang lahi ng mga Lobo at mga miyembro ng La Liga Unida (LLU) at mga bampirang kumakalaban sa kanya.
Nagpilit na lumabas ng hospital si Supremo at bumalik sa kanyang bahay nang malamang naroon ang mga kaaway niya at inabutan niya si Veruska (Ina Raymundo) ang mga kasamahan nito at ibinitin sa kuwento kung mabubuhay ang grupo nina Baristo (Joross Gamboa).
Samantala, aliw na aliw kaming magbasa ng thread ng fans na nakatutok sa La Luna Sangre gabi-gabi, ang dami nilang points of view. Halimbawa, sina Jacintha at Lia ay iisa at hindi naman daw siya namatay nang paslangin siya at si Matteo (John Lloyd Cruz) ni Supremo.
Ang ipinakita lang daw kasi nang mapatay ang magulang ni Malia (Kathryn Bernardo) ay naging abo si Matteo at si Lia naman ay nandoon lang at iniwan na sila ni Supremo.
Ang hindi raw ipinakita ay dumating si Samantha at kinagat si Lia kaya nabuhay at naging bampira na kaya malakas dahil may dugong lobo pa.
Pinaalis muna si Lia at nag-ibang karakter pagbalik niya bilang si Jacintha para ituloy ang laban niya kay Supremo at para tulungan din ang LLU at ang anak na bagong itinakda.
Si Jacintha rin daw ang babaeng nakapulang kapa na naglagay ng balang ginamit ni Senator Paglinauan nang barilin niya si Supremo na gawa sa pangil ng Lobo kaya maraming nagulat dahil hindi naman daw tinatablan ng bala ang pinuno ng mga bampira.
Ang gaganda ng palitan ng usapan ng mga nanonood kaya parang alam na tuloy namin ang susunod na episodes ng La Luna Sangre.
Hmmm, hindi kaya nagpo-post din ang isa sa writers ng LLS, ha-ha-ha.