Ni: Ellalyn De Vera-Ruiz

Nakapasok na kahapon ng umaga sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong ‘Paolo’ (international name:

‘Lan’), at magdudulot ito ng pag-ulan sa Visayas simula bukas, Miyerkules.

Tinaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang lokasyon ng bagyo sa 1,070 kilometro sa silangan ng Surigao City sa Surigao del Sur, bago magtanghali kahapon.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Mayroon itong lakas ng hangin na 65 kilometers per hour (kph) at bugsong aabot sa 80 kph.

Inihayag ni Nikos Peñaranda, PAGASA weather forecaster, na pumasok ang bagyong Paolo sa PAR bandang 11:00 ng umaga kahapon. Ito ang ika-16 na bagyong pumasok sa bansa ngayong taon, at ikalawa ngayong Oktubre.

Gayunman, hindi nakaaapekto ang bagyo sa kahit alinmang dako ng bansa kahapon, ayon kay Peñaranda.

Aniya, maaaring hindi tumama ang bagyo sa lupa dahil dadaan ang Paolo sa hilagang-kanluran bago magpunta sa hilaga-hilagang-kanluran ngayong Martes patungong sa direksiyon ng Japan.

Ngayong Martes ng umaga, ayon sa PAGASA, inaasahang ang bagyo ay nasa 800 kilometro sa silangan ng Surigao City, at sa Miyerkules ng umaga ay nasa 735 kilometro sa silangan ng Borongan City, Eastern Samar.

Sinabi ng PAGASA na ang bagyo ay namataan sa 1,025 kilometro sa silangan ng Baler, Aurora sa Huwebes; nasa 1,060 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan sa Biyernes; at 1,110 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes sa Sabado.