Ni LYKA MANALO
MARAMI sa mga Pinoy ang mahilig sa ’kwek-kwek’ -- itlog ng pugo na may breading na itinitinda kasama ng iba pang street foods pero bihira sa atin ang kumakain ng karne ng pugo.
Inilunsad ng Philippine Quail Entrepreneurs, Sellers and Traders (PhilQuest) Agriculture Cooperative ang Quail Festival upang magkaroon ng national awareness ang mga tao na bukod sa itlog ay masarap at masustansiya rin ang karne ng pugo.
Nagkaroon ng paligsahan sa pagluluto ng iba’t ibang putahe ng pugo na isinagawa sa Lipa City Hall grounds at nilahukan ng Philippine Chef Society at restaurants sa lungsod tulad ng Lorenzo’s Place at Royal British College upang ipakita na maaari ring ilagay sa menu list ang mga lutuing karne ng pugo.
Ayon kay Winston Lazarte, chairman of the board ng PhilQuest, sa pamamagitan ng festival, magkakaroon ng kaalaman ang mga tao sa pag-aalaga ng pugo at gawin itong hanapbuhay.
“Gusto natin maging aware ang mga tao na ang quail pala ay hindi lang itlog ang puwede kainin, pati ‘yung meat, kasi ‘yung ibang nag-aalaga kapag hindi na masyadong nangingitlog, ‘tinatapon na lang nila or pinapakain sa aso,” kuwento ni Lazarte.
Aniya, nais nilang magkaroon ng partnership ang kanilang grupo at ang mga lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga tao na gawing hanapbuhay ang pag-aalaga ng pugo at isailalim sa livelihood program.
“This will be a series of caravan festivals, hindi lang sa Lipa, inuna lang namin dito kasi maraming tagarito nag-aalaga ng pugo pero backyard industry lang.”
Nais ng grupo na magkaroon ng transition mula sa backyard industry patungo sa semi-commercial hanggang sa maging fully blown commercial industry ang pag-aalaga ng pugo.
“Mas marami tayo matutulungan even maliliit na pamilya kasi maliit lang ang puhunan, maliit na space lang ang kailangan puwede na sila kumita sa loob lang ng 35 days,” sabi pa ni Lazarte.
Aniya, madali lang ang pag-aalaga ng pugo na sa loob ng 35 araw ay nangingitlog na at tumatagal ng 10 hanggang 14 na buwan. Kapag humihina na ang produksiyon ng itlog, maaari nang ipagbili bilang karne ang pugo kung sanay na ang mga tao na kumain ng karne nito.
Maraming putahe na maaaring lutuin sa karne ng pugo tulad ng pangpulutan, pangpista, pangkalye at pangbahay.
Makikipag-ugnayan ang PhilQuest sa Department of Agriculture upang magkaroon ng standard sa pag-aalaga ng pugo at magkakaroon ng regulasyon sa industriya nito.
Magiging madali na maging sa mga mag-uumpisa pa lamang mag-alaga ng pugo dahil magbibigay sila ng mga seminar at may manual na ipamimigay para maging gabay sa pagpapalago ng industriya.
“Mahalaga ma-inform at ma-educate ang mga tao sa pag-aalaga dahil an educated raiser is a successful raiser,” ani Lazarte.
Livelihood Program sa Lipa City
Bukas ang pamahalaang lungsod ng Lipa para tulungan ang mga nagnanais na mag-alaga ng pugo at gawin itong hanapbuhay.
Ayon kay Mayor Meynard Sabili, sa pamamagitan ng Microfinancing, maaari silang magpahiram ng puhunan sa mga negosyante at ito ay matagal nang pinapakinabangan ng mga taga-Lipa.
“Bibigyan natin sila ng puhunan para makapagtayo ng negosyo kung gusto nilang mag-alaga ng pugo, dito sa microfinance walang tubo, basta mabayaran nila, mare-renew nila ulit para tuluy-tuloy ang ikot ng pera,” ayon kay Sabili.
Taong 2011 pa nagsimula ang pangkabuhayang programang ito ni Sabili na maaaring humiram ng puhunan mula P20,000 hanggang P100,000 ang isang indibidwal at hanggang P500,000 naman sa mga kooperatiba, na walang interes.
Sa kasalukuyan ay nasa P60M na ang pinapaikot na pera ng city government sa naturang programa.
[gallery ids="269723,269721,269724,269725,269726,269727,269728"]