Ni: Bella Gamotea

Isang retiradong pulis na umano’y drug personality ang tinambangan ng dalawang armado na magkaangkas sa motorsiklo sa Makati City, nitong Miyerkules ng hapon.

Dead on the spot si dating PO3 Benjamen Pascual y Jocosol, 50, retiradong miyembro ng Philippine National Police (PNP) at dating nakatalaga sa Taguig City Police, at nakatira sa No. 21 JP Gomez Street, Barangay West Rembo ng nasabing lungsod. Siya ay nagtamo ng tatlong bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan buhat sa hindi batid na kalibre ng baril.

Sa ulat ni Makati City Police chief, Senior Supt. Jerry Umayao, naganap ang pananambang sa 1st Avenue, Barangay West Rembo ng siyudad, bandang 4:10 ng hapon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo nang sabayan ng dalawang suspek na sakay din sa motorsiklong walang plaka at pinaulanan ng bala hanggang sa tuluyang tumimbuwang.

Sa pagsisiyasat, kabilang umano ang biktima sa mga sangkot sa ilegal na droga sa kanilang lugar at nitong 2016 lamang nagretiro si Pascual bilang pulis.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon at follow-up operation ang awtoridad.