Ni: Rizaldy Comanda
BAGUIO CITY – Pumasa sa Baguio City Council bilang ordinansa ang pagbabawal sa sinumang tao na lumikha o magdulot ng “excessive, unnecessary or unusually loud sounds” mula sa mga audio device sa loob ng mga residential area, subdibisyon, at pampublikong kalye sa lungsod simula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.
Ayon kay Councilor Edgar Avila, may akda ng tinaguriang “Silent Night Ordinance”, ipinagbabawal ang pag-iingay ng mga karaoke, videoke, amplifiers, musical instrument, at iba pa pagsapit ng 10:00 ng gabi hanggang kinaumagahan.
“Unreasonably loud noise” na maituturing ang pagpapatugtog ng radyom CD player, TV, amplified musical instrument, drums, loudspeaker, videoke o karaoke system, at iba pang gaya ng mga ito na karaniwan nang nakapagdudulot ng ingay at nakaiistorbo sa mga residente sa nasabing mga oras.
Ayon sa ordinansa, papayagan ang paggamit ng mga videoke o karaoke hanggang 12:00 ng hatinggabi kung makakukuha ng permit mula sa barangay chairman limang araw bago ang nakatakdang paggamit dito sa “acceptable” levels ng volume.
Verbal order lamang ang ibibigay sa mga lalabag, at pagsasabihang hinaan ang volume. Ngunit kung nakakaistorbo na ang ingay, pagmumultahin ng P1,000 o hanggang anim na buwang pagkakakulong sa unang paglabag; P3,000 sa ikalawang paglabag; at P5,000 sa ikatlong paglabag.