Ni REGGEE BONOAN
NAGULAT kami nang sabihin ni Nash Aguas na naging padre de pamilya na siya sa murang edad dahil naghiwalay pala noong 2014 ang mga magulang niya.
Disiotso ngayon 18 ang batang aktor, ibig sabihin 15 years old pa lang ay siya na ang bumubuhay sa nanay at kapatid niya?
Hindi itinanggi ni Nash na nagalit siya sa ama nang malaman niyang hiwalay na ang parents niya na itinago lang pala ng mommy niya na kasama niyang naiwan sa Pilipinas at ang bunsong kapatid na babae.
Matagal nang naninirahan sa Amerika ang ama ni Nash, IT consultant/engineer ito at kasama ang magulang na nagpetisyon dito.
Natatandaan pa namin sa presscon ng Bagito, unang seryeng pinagbidahan ni Nash, na nabanggit niyang pinasusunod na silang mag-iina ng tatay niya sa Amerika para mamuhay ng tahimik, pero mas pinili ng young actor na manatili rito at dadalaw na lang sila sa ama sa San Francisco, California.
Pagkatapos ng blogcon ng The Good Son, sinadya naming maka-one-on-one si Nash na gustung-gusto namin simula pa noong una namin siyang makausap noong seven years old pa lang siya sa presscon ng Goin’ Bulilit. Tandang-tanda pa namin ang topic, mahilig siyang manood ng National Geographic at hilig niya ang science dahil pangarap niyang maging scientist at magtrabaho sa NASA (National Aeronautics and Space Administration).
Bungad namin, ‘Tanda ko, pinapasunod kayo ng dad mo sa Amerika pero mas pinili mong mag-stay dito sa Pilipinas because of your career, ano’ng nangyari?’
“Ano po kasi, wala pong kinalaman ‘yung pag-aartista ko, personal nilang dalawa (parents niya). Nu’ng umalis po si Dad, okay pa sila kasi nagpunta pa kami ro’n, dumalaw po kami, siguro mga 2013–2014 po nangyari,” sagot ni Nash.
“Kasi nu’ng tinanong ko si Mommy kung ano’ng nangyari sa kanila ni Daddy, wala naman pong sinasabi o ayaw niyang mag-share. Hindi na rin ako nangulit kasi baka masakit pa sa kanya, kaya tinanong ko kung may third party, wala naman daw more on personal lang nilang dalawa. Inisip ko dahil magkalayo kaya ganu’n kasi mahirap din po ang long distance.
Wala pong ibang family si Dad.”
Baka nagkatampuhan lang, puwede namang mabuo ulit.
“Hindi po, kasi kung tampuhan lang, sana (naayos),” sambit ng binatilyo.
Madaling naghiwalay ang magulang ni Nash dahil hindi pala sila kasal.
“Hindi naman po kasi sila kasal, hindi sila kasal na may papers dahil at that time, si Daddy may hinihintay na petition, so once na nagpakasal sila, parang ‘yung 12 years, magiging another 12 years po ulit. Eh, that time, two years na lang ihihintay ni Daddy kaya mas pinili na lang nilang huwag magpakasal,” paliwanag ng bagets.
“Ang ginagamit ko pong apelyido ay Victoriano (sa legal papers), kay Mommy pero ‘yung kapatid ko since may bagong family code, ang ginagamit po niya apelyido ni Daddy which is Aguas. Dalawa lang po kami magkapatid, seven years old po siya, babae po.”
Hindi na nagbibigay ng sustento ang tatay ni Nash sa kanilang mag-iina dahil ang batang aktor mismo ang nagpahinto.
“Sabi ko po kasi sa kanya nu’ng huli kaming nag-usap, kahit huwag na kasi po ang hirap din sa States, meron din siyang obligasyon doon, ‘yung lolo ko po, tatay ng daddy ko namatay na, so siya na ang bumubuhay ng nanay niya at mga kapatid niya. So sabi ko sa kanya, ‘Dad, ako na po bahala sa kanila (mommy at kapatid).
“Nu’ng una ayaw niya pumayag kasi ‘yung pride niya bilang father. Nasabi ko na rin sa kanya na matanda na siya kaya ‘wag na,” kuwento ng batang aktor.
May plano ba silang dumalaw uli sa tatay niya sa Amerika?
“Meron po, this Christmas po kung mabibigyan ako ng chance dadalawin namin si Daddy. Kasi dati po hindi kami okay ng dad ko, nagdamdam talaga ako nu’ng naghiwalay sila, pero ngayon okay na,” napangiting sagot ni Nash.
Nasa unang taon ng kolehiyo ngayon si Nash, pero malayo na sa pangarap niyang maging scientist ang pinag-aaralan niya.
“Film po sa MINT College (Meridian International College) sa Taguig po.”
Sambit namin, ‘ang mahal ng tuition doon.’
“Opo, sobrang mahal nga po, grabe,” napangiting sagot ng binatilyo. “Doon lang po kasi ang may flexible na oras.”
Bakit mula sa scientist, naging film na?
“Kasi po, parang sayang po ‘yung natutunan ko dito kung hindi ko ma-apply. Pangarap ko pong maging direktor. Actually po ngayon, meron po kaming binuong production nu’ng headwriter po namin sa Goin’ Bulilit ‘tapos ‘yung head ng CCM department dito (ABS-CBN) at si John Manalo (co-actor at pamangkin ni Jericho Rosales), bumubuo po kami ng production which is Colab, short for content laboratory. Kinuha po kami ng iWantTV para mag-produce or mag-line produce ng isang series, pero confidential pa po kung anong show, abangan na lang po,” masayang kuwento ni Nash.
Five years old siya nang mag-umpisa sa career niya, pero pawang supporting roles lang ang nakukuha niya at isang beses lang siya nagkaroon ng title role, ang Bagito (Batang Ama).
Ano ang pakiramdam niya ngayong naunahan pa siya ng mga baguhan na mabigyan ng sariling pelikula o teleserye, tulad ni Joshua Garcia na nagbida na sa Vince and Kath and James at Love You to the Stars and Back?
“Ano po, eh, hindi ko po inisip ‘yun. Tulad ng mga kasabayan ko na nagbida na lahat, ano okay lang po, may nagsabi po sa akin, si Tito Ariel Rivera na, ‘It doesn’t matter kung gaano kataas ang estado mo, ang importante kung gaano katagal’. So iyon po ang pinakatinandaan ko and sa akin po kasi wala ‘yun and genuinely, natutuwa ako kay Josh kasi kaibigan ko po talaga siya and deserved naman po niya lahat ng nararanasan niya ngayon.
“Pero ako po, more on mas pinapakialaman ko ‘yung character ko at kung ano ang maibibigay ko sa isang role like rito sa The Good Son, ibang Nash po ‘yung mapapanood ninyo,” kuwento ng binatilyo.
Sa edad na 18 o 17, businessman na si Nash. Nagtayo siya, kasama ang dalawang kaibigan, ng Muramen fastfood house sa University Belt.
“Nakatuwaan lang po naming magtayo ng maliit na kainan para sa estudyante po na Japanese food pero fastfood para mura, complete meal na po, P99 lang at busog ka talaga kasi hindi po namin tinitipid, authentic po kasi ang lasa at ingredients na nag-aral pa kami talaga sa isang Japanese restaurant. Ako po marunong din magluto, lahat po kaming partners nag-aral para in case, puwedeng kami-kami ang magluto.
“Yung chef po namin, Pinoy pero pabalik-balik siya ng Japan kasi mayroon siyang bahay doon. Nu’ng una po, inisip namin mga 30 bowls lang mabebenta...
namin in a day, eh, nagulat po kami kasi umabot kami ng 500 bowls, kaya nag-panic kami at nagdagdag kami ng supplies po talaga. Maliiit lang po ‘yung puwesto namin, nasa 50 seating capacity lang.
“Kinuwenta nga po namin na baka mapadali po ang return of investment namin kaya in less than a year, nag-start po kami last July 28 lang po. Kaya po ngayon, sabi namin, totohanin na as in seryoso na full blast na.
“Ngayon po, 2 na ang branches namin, University Belt (Loyola Street) at sa Makati sa JP Rizal papuntang Rockwell po,” masayang kuwento ng batang aktor.
Nakabili na si Nash ng tatlong malalaking lupa na turo naman sa kanya ni Ronnie Lazaro noong kainitan niya sa Love Me Again (2010.”
“Nine years old pa lang po ako, ganu’n na ang pinag-uusapan namin. Sabi po sa akin, mag-invest daw po ako sa lupa, ‘wag sa kotse. Kasi tumataas ang value ng lupa kaya inipon po namin ‘yung kinita ko at bumibili kami ni Mama ng lupa.
Mayroon na po ako sa Tagaytay City, dalawa, tig-400 square meter at sa Del Monte, Bulacan kung saan itatayo ang ABS-CBN Studios, medyo malaki po ro’n, nasa 20 hectares na plano kong patayuan ng building para paupahan.
“’Tapos ‘yung sa Tagaytay po, lupa lang, kung baga patataasin ko muna ang value bago ko po ibenta o baka patayuan din ‘tapos paupahan,” mahabang kuwento ni Nash.
Hindi naman pala kataka-takang na maging padre de pamilya siya sa murang edad dahil negosyante na, may mga investment pa at kahit hindi pa tapos ng pag-aaral ay kinomisyon na para gumawa ng digital TV series.
“Kaya nga po nagpapasalamat ako sa daddy ko sa nangyari, kasi kung hindi niya siguro rin kami iniwan o hindi kami nagkalayo baka hindi pa ako magiging mature mag-isip. Kaya sa daddy ko, thank you.”
Naniniwala kami na good son si Nash Aguas.