Ni NORA CALDERON
NAG-TRENDING sa social media at umani ng maraming papuri sina Alden Richards, Rocco Nacino at Ms. Gina Alajar sa docu-drama nilang Alaala: A Martial Law Special na napanood nitong nakaraang Linggo ng gabi.
Ginampanan ni Alden ang character ng martial law activist at Carlos Palanca awardee na si Boni Ilagan. Inamin ni Alden na ito na ang pinakamahirap na role na nagampanan niya, hindi raw biro ang taping lalo na sa mga eksenang kasama niya ang mga raliyista. Pero mas mahirap ang torture scenes.
“Hindi man po tumatama sa akin ang mga suntok at pahirap nila, mas mahirap kung paano mo ipakikita ang reaction mo onscreen,” sabi ni Alden. “Kaya psychologically, mentally, emotionally, kailangan kong ipakita iyon sa harap ng kamera. Nakabuti po na personal kong nakausap si Sir Boni at nakita ko sa mukha niya ang mga sakit na pinagdaanan niya. Salamat po sa GMA News & Public Affairs na ipinagkatiwala sa akin ang role ni Sir Boni.”
Nagpakita rin ng kahusayan sa pagganap si Rocco Nacino bilang ang premyadong poet/journalist at scripwriter na si Pete Lacaba na nakasama ni Boni nang ikulong sila ng Philippine Constabulary at nakaranas din ng mga pahirap.
Ang husay-husay din ni Ms. Gina Alajar, ang gumanap na ina ni Boni at ng kapatid nitong si Rizalina na ginampanan ni Bianca Umali. Ipinakita ang ang nararamdaman ng isang ina na na-torture ang anak na lalaki at nawala naman ang anak na babae, na hanggang ngayon ay hindi nila alam kung nasaan na.
Maging ang anak ni Boni na si Dey Ilagan ay nag-tweet kay Alden ng: “Thank you for taking the challenge and opportunity to depict my father’s life.”
May mga nag-tweet din na hindi si Alden Richards ang napapanood nila kundi si Boni Ilagan mismo.
Nagpasalamat naman si Alden sa lahat ng mga nag-tweet ng pagbati sa kanya.
Marami ring pumuri sa GMA na hindi natakot magpalabas ng ganitong documentary, lalo na at kasalukuyang may mga nangyayari sa bansa. Sa September 21, ang 45th anniversary ng martial law.
Congratulations sa Alaala team at kay Direk Adolf Alix sa magandang paglalahad ng buhay ni Boni Ilagan.