ANG desisyon ng Kamara de Representantes nitong Martes na bawasan ang budget ng Commission on Human Rights (CHR) at ang panukalang P678 milyon ay gawing P1,000 na lang ay maituturing na pinakamababa sa kasaysayan.
Sa una at ikalawang beses na gawin ang botohan sa Kamara — sa pamamagitan ng viva voce — lumamang ang “ayes” sa “nays”. Nagsagawa ng nominal voting, at dahil hindi na protektado ng anonymity ng voice vote, nanaig ang 119 upang aprubahan ang pasya sa CHR budget, na pinagtibay ng mga pinuno ng Kamara at ng mga partido, laban sa 32 kumontra rito.
Itinatag ang Commission on Human Rights sa bisa ng Konstitusyon noong 1987. “There shall be created an independent office called the Commission on Human Rights,” saad sa Section 17 ng Article XII ng Social Justice and Human Rights.
“The approved annual appropriations of the Commission shall be automatically and regularly released.”
Para sa 2018, isinama ng Department of Budget and Management sa panukalang P3.7-trilyon national budget ang P678 milyon para sa CHR, ngunit iginigiit ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi ginagawa ng CHR ang trabaho nito.
Malinaw na nagkasala ang ahensiya sa pagbatikos sa maraming pagpatay na may kaugnayan sa kampanya ng pulisya kontra droga.
Kritikal si Pangulong Duterte kay CHR Chairman Chito Gascon ngunit itinangging may kinalaman siya sa desisyon ng Kamara na tapyasan ang budget ng ahensiya. Marahil pag-aaralan ng Kongreso ang nasabing pasya, sabi pa niya.
Inaasahang ibabalik ng Senado, na pinamumunuan ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, ng PDP-Laban, ang sariling partido ng Pangulo, ang orihinal na budget ng CHR. Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson, na may akda ng budget ng CHR sa mga Senate budget hearing, na inaasahan niyang isasantabi ng mga senador ang konsiderasyon sa partido upang magkaisa sa paninindigan sa usapin.
Gaya ng inaasahan, inulan ng batikos mula sa iba’t ibang sektor ang naging pasya ng Kamara sa budget ng CHR, kabilang na ang United Nations special rapporteur, ang human rights group na Karapatan, ang Bagong Alyansang Makabayan, ang grupong Juan Manggagawa, si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, at si Balanga Bishop Ruperto Santos.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang pagkakaloob sa CHR ng P1,000 budget para sa isang taon ay malinaw na pagbuwag sa isang constitutional body. “This may set a dangerous precedent, especially among our constitutional bodies, including the Supreme Court,” aniya.
Subalit kahit wala ang usaping legal na ito na isang malaking banta sa istruktura ng ating gobyerno, ang ginawa ng Kamara ay maituturing na taliwas sa konsepto ng karapatang pantao, at ito ay nasa sentro ng ating kultura bilang isang bansa.