Ni: Mina Navarro
Tinanggap ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kuwalipikadong kaanak ng mga sundalo at mga pulis na napatay o nasugatan sa operasyon sa Marawi City laban sa extremist na Maute Group.
Sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar, vice chairman ng Task Force Bangon Marawi, na ang 18 kuwalipikadong kaanak ng mga namatay ay nagtatrabaho ngayon sa mga tanggapan ng kagawaran malapit sa kanilang tinitirhang lugar.
Ang mga dependent ay tinanggap bilang administrative aide at laborer sa DPWH Regional at District Engineering Offices.
“We deeply sympathize with the families of our brave soldiers and policemen who sacrificed their lives for the safety of the civilians. That is why we want to be able to extend as much help as we can to their bereaved dependents,” ani Villar.
Bukod sa pagtulong sa mga miyembro ng pamilya ng mga napatay na sundalo, ang DPWH ay aktibo ring kasama sa pagpapabuti ng mga kondisyon ng internally-displaced persons (IDPs) na nakatira sa iba’t ibang evacuation center.
Sa ngayon, itinayo ng DPWH ang 49 na latrines/toilets sa pitong DSWD-managed evacuation center sa Iligan City at Baloi, Lanao del Norte. Kasabay ang mga ground improvement sa mga evacuation center sa Pantar, Sta. Elena, at Iligan City.
Pagkatapos ng bakbakan, nagbigay din ang DPWH ng relief goods at tulong na pinansiyal sa mga IDP na mula sa boluntaryong kontribusyon ng mga opisyal at empleyado ng DPWH.