Nina ARGYLL CYRUS GEDUCOS at BETH CAMIA, May ulat nina Ben R. Rosario at Leonel M. Abasola

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang Republic Act 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na magkakaloob ng libreng matrikula sa lahat ng state universities and colleges (SUCs) sa bansa.

Ito ang kinumpirma ni Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Menardo Guevarra sa ‘Mindanao Hour’ na ginanap sa International Media Center sa Pasay City kahapon.

Ang pagpapatibay ng Pangulo sa panukala para maging batas ay sa kabila ng mungkahi ni Budget Secretary Ben Diokno na ibasura ito ni Duterte dahil hindi makakayanan ng gobyerno ang tinatayang P100 bilyon gastusin para rito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Guevarra, nilagdaan ng Pangulo ang panukala nitong Huwebes ng gabi, at ipinaliwanag kung bakit natagalan bago ito napirmahan ni Duterte.

“The enrolled bill came to the Office of the President nearly 30 days ago and during that period, there had been a lot of discussions and study about the bill because of its a heavy budgetary implication,” paliwanag ni Guevarra.

“So, we weighed everything and came to the conclusion that the long-term benefits that will be derived from a well-developed tertiary education on the part of the citizenry will definitely outweigh any short-term budgetary challenges,” dagdag niya.

PONDO GAGAWAN NG PARAAN

Aniya, manggagaling ang pondo sa ire-realign na alokasyon mula sa ibang ahensiya ng pamahalaan, sinabing bahala na ang Kongreso kung saan pa kukuhanin ang kinakailangang pondo para sa bagong batas.

“Everyone, including the economic managers, will have to focus their attention on this particular aspect funding for this program because this will have to be implemented soon,” ani Guevarra, nilinaw na ipatutupad ang batas sa susunod na school year.

Binanggit din ni Guevarra na posibleng labis ang naging pagtaya ni Diokno sa gagastusin sa bagong batas.

“The Commission on Higher Education (CHED) thinks otherwise. The P100-billion estimate of the DBM seems to be on the very high side because that is on the basis on the assumption that all aspects of the free tuition bill will be implemented all at the same time,” aniya.

Tinaya ng CHED sa P34.1 bilyon ang kakailanganin upang maipatupad ang nasabing batas.

Kasabay nito, tiniyak ni House Appropriations Chairman at Davao City 1st District Rep. Karlo Nograles na magagawan ng paraan ang pondo para sa pagpapatupad ng libreng matrikula sa SUCs.

Aniya, maraming paraan upang mapaglugaran ang batas sa panukalang P3.767-trilyon national budget para sa 2018.

Sinabi ni Nograles na bubusisiin ng kanyang komite ang mga budget proposal ng ilang ahensiya ng pamahalaan, ang mga hindi nagamit o natipid na pondo mula sa 2017 budget at mga hindi prioridad na proyekto para pagkuhanan ng gastusing aabot sa P8-P16 bilyon sa susunod na taon.

NAGPASALAMAT

Sinegundahan naman ng mga senador ang pahayag ni Nograles, makaraang tiyakin ni Senator Bam Aquino, dating chairman ng Senate Committee on Education, na hahanap ang Senado ng P25 bilyon para maipatupad ang batas.

Kasabay ito, nagpasalamat siya kay Pangulong Duterte sa paglagda sa nasabing batas, gayundin sina Senators Panfilo Lacson, Win Gatchalian, Juan Miguel Zubiri, Nancy Binay, Loren Legarda, at Senate President Pro Tempore Ralph Recto.