Ni: Bert de Guzman
TINAWAG ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang Oxford University sa England na institusyon ng mga “bugok”.
Nagalit si Mano Digong sa unibersidad dahil inakusahan siyang nagbabayad ng milyun-milyong piso sa “trolls”, bloggers, fake journalists, at netizens upang siraan ang kanyang mga kritiko at pagandahin naman ang kanyang imahe at pangalan.
Sinabi ng machong Presidente na hindi niya kailangan ang trolls o bloggers na pupuri sa kanya upang magtamo siya ng mataas na marka sa pamamahala sa gobyerno sapagkat mismong ang mga survey firm sa Pilipinas--- Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia--- ay patuloy sa pagbibigay sa kanya ng mataas at kanais-nais na approval at trust ratings.
Samakatuwid, kahit hindi siya nagbayad sa SWS at Pulse Asia upang bigyan siya ng 82% approval at trust ratings sa pinakahuling surveys, hindi niya kailangan ang trolls at social media bloggers para purihin siya at pagandahin ang imahe at reputasyon.
Pinagsabihan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales si PDU30 na hindi dapat makialam sa ginagawang imbestigasyon ng kanyang tanggapan, lalo na ang tungkol sa mga kaso ng pulis at sundalo. “None of your business”, mahayap na pahayag ng may “balls” na Ombudsman na dati ring mahistrado ng Korte Suprema. Nais kasi ng Pangulo na dumaan muna sa kanya at humingi ng permiso o clearance ang mga pulis at kawal bago humarap sa Ombudsman o kaya’y sa Commission on Human Rights.
Dagdag ni Morales na balae ni Mano Digong: “Ano’ng pakialam niya? Under the law, we have subpoena powers. We have orders for particular officials, including police and soldiers, to show up or file pleadings. If they don’t file pleadings, that’s their lookout.” Kakaiba si Morales sa mga lalaking senador at kongresista na may mga “bayag” nga ay urong naman. Ipinamalas niyang hindi siya puwedeng takutin ng sino man sa pagtupad ng tungkulin. Hoy, mga senador at kongresista, nasaan ang inyong “mga balls?”.
“Hindi ako duwag.” Basta raw nasa tamang direksiyon at naaayon sa batas ang kanyang ginagawa. Si Morales ay balae ni PDU30 dahil ang kanyang pamangkin na si Atty. Mans Carpio, asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte, ay anak ng kanyang kapatid na si Atty. Lucas Carpio. Hindi rin siya mag-iinhibit sa... pagdinig sa kaso ni ex-PNoy gaya ng nais ng Volunteers Against Crime and Corruption. Bakit daw siya mag-iinhibit at sa kung anong dahilan?
Nilinaw ni PRRD na sa utos niyang bombahin ang lumad schools sa Mindanao, wala siyang intensiyong patayin ang lumad students. Ang nais niya ay iligtas ang mga estudyante sa mapanlinlang na turo at indoctrination ng New Peoples Army (NPA). Ginagamit daw ng NPA ang mga paaralan upang turuan ng komunismo at sosyalismo ang kabataang lumad kaya ipabobomba niya ang mga paaralan. Paaalisin daw muna ang mga lumad bago bombahin ang mga paaralan.
Hinahamon ni Pres. Rody si Joma Sison, founder ng CPP, na umuwi sa Pilipinas at dito makipaglaban. Daldal daw nang daldal si Joma na komportableng naninirahan sa ibang bansa (The Netherlands) habang ang mga NPA ay nakikipaglaban sa gobyerno. Inulit niyang matanda na si Joma, may sakit at sawa na ang Norwegian government sa pagpapagamot sa kanya.