Ni CHARISSA M. LUCI-ATIENZA
Nagpahayag kahapon ng pagkabahala si Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento tungkol sa tuluy-tuloy na pagkaunti ng mga magsasaka at iba pang trabahador na agricultural sa bansa, sinabing maaaring mauwi ito sa tuluyan nating pagdepende sa pag-angkat ng pagkain sa susunod na 20 taon.
Ayon kay Sarmiento, isang porsiyento sa puwersa ng mga manggagawang agrikultural sa Pilipinas ang nababawas kada taon.
Tinukoy ang census ng Philippine Statistics Authority (PSA), sinabi ni Sarmiento na simula 2013 hanggang 2015, tuluy-tuloy ang pagbaba sa average na .53 hanggang 1.92 porsiyento sa agricultural employment rate ng bansa.
Mula sa 11.29 na milyong agriculture worker noong 2013, nabawasan ang bilang na ito sa 11.073 milyon noong 2015—nangangahulugang nasa 216,768 Pinoy na tumutulong sa produksiyon ng pagkain ang pumanaw na o iba na ang pinagkakakitaan sa loob lamang ng dalawang taon.
“This is very alarming. We are losing, not hundreds but tens of thousands of work force involved in food production every year. Add that to the diminishing number of farm lands and the country will definitely plunge into a severe food crisis within 20 years. We should reverse this pattern before it is too late,” sabi ni Sarmiento.
Ayon kay Sarmiento, upang mahimok ang interes ng kabataan sa pagsasaka, dapat na dagdagan ng gobyerno ang mga educational subsidy at scholarship sa mga estudyanteng nais sumabak sa sektor ng agrikultura.
“We have an oversupply of nurses, teachers, criminologists and IT professionals and they mostly end up in call centers or they go overseas. On the other hand, the people who toil our soil are rapidly disappearing. We should go back to basic and start reinvigorating our agricultural profession,” ani Sarmiento.
“We should start dismantling the stigma that farming is hard, dirty, financially unrewarding and suited only for the uneducated. In other countries, farmers are highly respected and very well off,” dagdag pa ni Sarmiento. “Food security is a national security issue.”