Apat na ginto kay Ilustre; 'most bemedalled' Pinoy sa 9th ASEAN Schools Games.

SINGAPORE – Tinuldukan ni Maurice Sacho Ilustre ang matikas na kampanya sa swimming event nang pagwagihan ang boys 200m butterfly nitong Miyerkules para sa ikaapat na gintong medalya sa 9th ASEAN Schools Games sa Singapore Sports School.

Naitala ni Ilustre, Grade 12 student sa De La Salle Zobel, ang tyempong dalawang minuto at 03.67 segundo para gapiin ang karibal na sina Rhys Jun Kai ng Singapore (2:05.58) at Zelmi Aryalingga Azel ng Indonesia (2:06.01).

Maurice Sacho Ilustre (center) emerges as the most bemedalled Filipino tanker in the 9th ASEAN Schools Games with four golds. He copped yet another gold medal in the boys 200m butterfly Wednesday afternoon at the Singapore Sports School. PSC PHOTO
Maurice Sacho Ilustre | PSC PHOTO
Bunsod ng panalo, nahila ni Ilustre, top athlete sa nakalipas na Palarong Pambansa sa San Jose, Antique kung saan winalis niya pitong event na nilahukan, ang gold medal haul ng Team Philippines sa 13, ngunit sapat lamang ito para sa ikaanim na puwesto sa overall team standings.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Kasama ang kabuuang walong silver at 21 bronze sa penultimate day ng kompetisyon, puwesto ang RP Team sa likod ng nangungunang Thailand (29-26-32), habang pangalawa ang Indonesia (25-33-29) kasunod ang Singapore (24-27-27), Vietnam (20-21-10) at Malaysia (13-11-27).

Sa kabila nito, ikinalugod ni Philippines Chef-De-Mission Rizalino Jose Rosales ang pinakamatikas na kampanya ng Pinoy student-athletes sa taunang torneo. Nalagpasan nila ang 11-14-22 medalya sa 2014 edition.

“Nagdeliver kasi ng medals lahat ng events. Kaya satisfied ako sa lahat ng performance ng mga teams, ”pahayag ni Rosales.

Sumandig ang delegasyon sa swimming, sa pangunguna ni Ilustre.

“Malaking tulong talaga yung training ko sa US para magimprove ako,” sambit ng 16-anyos na pambato ng Dapitan, Manila.

Nakamit niya ang panalo sa boys 200m freestyle, boys 100m backstroke at boys 100m butterfly.

Naidagdag naman ni Bhay Maitland Newberry sa dalawang gintong napagwagihan sa ikalawang araw ang silver medal sa girls 50m backstroke sa tyempong 30.54 segundo. Naungusan siya ni Indonesian Kemala Fathihia Sofie (30.47), habang bronze si Tepbud Sutatta ng Thailand (31.26).